‘The beautiful ones’ (29)

NAPAKASAGWA ng anyo ni Oreo habang nagpepenitensiya, paluhod na naglalakad nang hubad, naka-brief lamang. Larawan siya ng isang napakamakasalanang  nilalang na lubos nang nagsisisi, nagpapakupkop na sa Diyos. “ITINATAKWIL KO NA PO SI SATANINI, DIYOS KO! HUWAG MO PONG ITULOT NA MAKAPATAY PA ANG MGA ZOMBIE KO!”

Hatinggabi iyon sa madilim na daan na walang bahayan; natatanglawan siya ng malamlam na liwanag ng buwan.

“Iligtas Mo po ang kaluluwa ko sa apoy ng impiyerno! Handa po akong maglinis muna ng kasalanan sa purgatory! Basta po huwag forever!

MULA sa highway, ang beautiful ones, ang mga zombie ni Oreo ay nagtuloy sa katabing palayan; naamoy ng mga ito ang natutulog na mga tao sa mumunting bahayan, sa gitna ng bukid.

“Ngizzz. Graall. Uuunggh.” Umuungol ang mga ito, nananabik na namang kumain ng tao.

Kumawala na ang mga living dead sa poder ni Oreo; hindi na susunod sa utos ng amo na hindi na kakampi ng demonyo.

Wang-wang-wang-waanng. Ingay ito ng palapit na police car, natanglawan sa gitna ng kalye ang halos hubo’t hubad na bading.

Tinigilan ito, sinita. “Bakit ka naka-bold? Anong kahalayan ‘to?”

Luhaang nagsumbong si Oreo, duguan ang mga tuhod sa paglakad nang paluhod. “Ako po si Oreo na biglang-yaman dahil sa demonyo! Ako rin po ang may-ari ng mga zombie na nasa unahan ng highway! Nagpepenitensiya po ako para mapigil ang pagpatay nila, officers!”

“Sanchez, ikulong muna ‘to. Kasuhan ng indecent exposure. Kung sira ang ulo, dadalhin natin sa mental,” utos ng nakatataas.

“Hindi ako baliw! Totoong may mga alagad akong zombie! Papatay sila anumang sandali mula ngayon!”

“Mawalang galang po, chief! Baka lang po totoo ang sinasabi niya tungkol sa zombie! Kalat na kalat na po ang balibalita na may gumagalang mga living dead!” sabi ni Sanchez.

Nagpasya ang hepe. Sakay si Oreo na tumuloy sa direksiyong itinuro nito. “Manalangin kang meron ngang zombie, Sanchez. Kapag wala, pati ikaw-- irerekomenda ko sa mental!”

(ABANGAN ANG WAKAS)

Show comments