Dear Vanezza,
Pakitago mo na lang ako sa pangalang Lily, may asawa at 5 anak. Dalawa sa mga anak ko ay may asawa na. Ako’y 51 anyos pa lang. Two years na akong biyuda. Na-stroke ang asawa ko at namatay sa edad na 55. Ngayon ay mag-isa ko na lang itinataguyod ang pag-aaral ng dalawa ko pang anak. Mayroong nanliligaw sa akin. Isa rin siyang biyudo at na ging bf ko siya bago ko nakilala ang aking asawa. Pero napikot daw siya kaya hindi kami nagkatuluyan. Kaya kahit hindi ko masyadong mahal ang naging mister ko ay sinagot ko at nagpakasal kami. Sa muli niyang pagbabalik, parang nabuhay muli ang pag-ibig ko sa kanya at nakalimutan ko na ang kanyang pagtataksil. Niyayaya niya ako na magpakasal. Balo na siya at lahat ng anak n’ya ay nasa Amerika na. Kailangan daw niya ng kapartner dahil malungkot ang nag-iisa. Pero sa edad namin ngayon, parang nahihiya ako kung tatanggapin ko siya at magpapakasal kami. Ano na lang ang sasabihin ng mga anak ko?
Dear Lily,
Hindi ka pa matanda sa edad na 51 at sa palagay ko, kailangan mo talaga ng partner para pagdating ng araw at may asawa na lahat ang anak mo ay hindi ka nag-iisa.Gayunman, konsultahin mo ang mga anak mo. Alam kong mauunawaan nila ang kalagayan mo. Ipaliwanag mo na darating ang araw na iiwanan ka nila at ayaw mong maiwang mag-isa. At marahil naman, tutulungan ka ng magiging asawa mo sa pagtataguyod sa dalawa mo pang anak. Walang masamang umibig muli kaya go for it. May karapatan ka na umibig muli.
Sumasaiyo,
Vanezza