‘The beautiful ones’ (22)

KUMAKATOK pa lang si Oreo sa saradong pintuan pero nakilala agad siya ng tiyuhing nais paghigantihan. Frustrated ang bakla, nahulaang natanaw  siya nito, pati mga kasama niyang zombie, sa siwang ng bintana.

Lalong nagalit si Oreo, tinadyakan ang pintong sawali.  TADD.

Nawasak ang pinto, nabuglawan ni Oreo ang pakay.

“Paano mo ako nakilala, ha? Natitiyak kong milya-milya na ang layo ng hitsura ko sa baklang inapi mo noon!”

Napakababa ng tinig ng matanda. “Oreo, pananamit at personalidad lang ang nagbago sa iyo—hindi ang anyo mo. Ikaw parin ang binatilyo noon na labis kong pinagkasalahan.”

“Aba, natandaan mo naman pala! Inilublob mo ang mukha ko sa putik, pinalo mo ako ng martilyo, pinaso mo ng sigarilyo ang tenga ko, inihian mo ako sa mukha habang ako’y nakatulog sa sobrang pagod—sa pagsisilbi sa iyo!” napakahabang sumbat ni Oreo, namumula sa galit.

Ang magaganda niyang alagad na zombie ay nakamasid lamang sa kanyang tiyuhin, nananabik na namang kumain ng tao.

“Alam mo na rin ba kung bakit ako narito—kasama ang mga nilalang ng impiyerno?”

Tumango si Tiyo Berong, nakalarawan ang labis na lungkot. “Maghihiganti ka sa akin, Oreo, inasahan ko na ‘yon. Pero paano ang iyong kaluluwa?”

Nagmalaki pa si Oreo. “Isinanla ko na kay Satanas, Tiyo Berong, para makaganti ako sa mundong mapang-api—lalo ka na!”

Napailing ang tiyuhin, nahabag sa pamangkin ng yumaong asawa.

“Malapit na akong kunin ni Satanas, Tiyo Berong, kapalit ng pagpapayaman niya sa akin at pagbibigay ng magagandang alagad na kumakain ng tao!”

Matatag ang matanda. “Nakahanda na ang kaluluwa ko sa anumang parusa,  sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Matagal na akong nagbalik-loob sa Diyos.”

Nabigla si Oreo, hindi niya inasahan ang pagpapakabuti  ng buhong.

Kinalaban niya ang awa. “Dapat ka pa ring tumanggap ng napakalupit kong paghihiganti, Tiyo Berong! Ngayon na!”

Sinenyasan ang magagandang zombie. “Attack!”  (ITUTULOY)

Show comments