‘The beautiful ones’ (15)

NAGPATULOY ang talumpati ng zombie na dirty politician noong Dekada 50. “Kung…may…kurakot…merong…madudukot…Ikulong…ang…mga …mandurukot…para…ang… republika…ay…humarurot…”

“Stop! Tama na! Ako ang nahihiya sa kakapalan mo, congressman!’ inis na sabi ni Oreo.

No reaction ang iba pang mga zombie, puro anyong tulala, nakatanaw sa kawalan.

Ang Hollywood actress ay ipinipilig ang ulo. “Sir…Oreo…I…must…take…a…bath…”

“Oo naman, Hollywood actress. Kayong lahat ay maliligo at maglalagay ng maraming deodo­rant. Dapat sugpuin ang masangsang ninyong amoy.” Nagtali na ng panyo sa tapat ng ilong at bibig si Oreo.

Nagsalita ang reyna ng talipapa noong talahiban pa ang Cubao. “Gusto…kong…kumain…ng…sinigang…na…bangus…sa…miso…”

Napataas ang kilay ni Oreo.  “Anooo? Hoy, reyna ng talipapa, ikaw ay zombie na ngayon! Hindi ka na puwede pang kumain ng sinigang!”

“Graalll.”  Umungol ang zombie, tutol kay Oreo.

Hindi na ito pinansin ng bakla. Iba ang nais sisihin sa imperfections ng mga alagad. “Mandaraya talaga ‘yang si Satanini, e! Umiiral ang kademonyohan. Nagbigay nga ng zombies, madali namang mapatay at magkabali-bali ang binti.”

Ang tinutukoy niya ay ang nagkalasug-lasog na zombie ng heneral, at ang Hollywood actress na nagkapilay-pilay.

“Ito namang reyna ng talipapa, mali ang timplada ng utak—ayaw magpaka-zombie. Kakain daw ng sinigang sa miso! Ano ba ‘yaann?”

Bruuummm. Pinabilis ni Oreo sa madilim na highway ang sasakyan.

Nasulyapang payapang payapa ang tinagurian niyang The Beautiful Ones. Mukhang mababait, walang kabuhay-buhay.

Isinigaw ng bakla ang frustration sa demonyo. “Palpak ang creations mo, ‘Tanas! Hindi na nakasisindak!”

 BRALAGG.  May kung anong tumalon sa harapan ng family van, nagmula sa likuran. Humarang.

Nasindak si Oreo, biglang preno.  Screeechh. (ITUTULOY)

 

 

                 

               

 

               

                 

               

               

 

Show comments