Dear Vanezza,
Five years na kaming kasal ng mister ko pero sa kabila ng mahabang panahon ng aming pagsasama ay hindi kami magkaanak. Nang magpatingin kami sa doktor ay nalaman naming siya ang may diperensiya. Magmula noon ay naging insecure siya. Lagi niyang sinasabi na natatakot siya na baka mawala ako sa buhay niya. Binibigyan ko naman siya ng assurance na mahal ko siya at hindi ko siya iiwanan. Pero ang pakiramdam daw niya sa sarili ay inutil at walang silbi. Parang umiinit pa ang ulo niya kapag dumadalaw sa amin ang kanyang mga kapatid na karay-karay ang kanilang mga anak. Kung minsan ay naiinis na ako sa pagiging childish niya pero nagtitimpi ako dahil ayaw kong masira ang pagsasama namin. Ano ang dapat kong gawin para mawala ang insecurity niya? - Reeya
Dear Reeya,
Walang makagagamot sa insecurity ng asawa mo kundi siya. Ginagawa mo na ang bahagi mo sa pagbibigay ng assurance na mahal mo siya ano pa man ang kalagayan niya. Marami namang paraan para makabuo ng pamilya. Isa na riyan ang pag-aampon kung papayag siya. Tanungin mo siya kung nabaliktad kaya ang sitwasyon at ikaw ang baog, mamahalin ka pa kaya niya? Sabihin mo sa kanya na ang pag-ibig ay walang tinitingnang diperensiya at hindi dapat tumigil ang mundo ninyo dahil lamang hindi kayo magkaroon ng sariling anak.
Sumasaiyo,
Vanezza