Gustong ipaampon ang anak

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Gwen, 23. Noong nasa first semester ako sa college ay nabuntis ako ng classmate-bf ko. Napilitan akong huminto sa pag-aaral. Sa nangyaring ito ay nagalit ang aking mga magulang at pinalayas ako. ‘Yun namang bf ko ay naglahong parang bula. Hindi na siya pumasok sa school. Kinupkop ako ng aking best friend at mabuti na lang at mabait ang mga magulang nya. Sa kanila ako tumira at doon na rin nakapagsilang ng aking anak. Inalok ako ng mga magulang ng kaibigan ko na mag-karinderya at bibigyan ako ng puwesto sa kanilang building. Nangupahan ako doon at dahil medyo malaki ang puwesto ay doon na rin ang naging tirahan ko kasama ang aking anak na ngayon ay magda-dalawang taon na. Malaki ang utang na loob ko sa kanila dahil pinautang pa nila ako ng puhunan para makapagsimula. Aaminin ko na nahihirapan akong magtrabaho at mag-alaga ng anak. May kapatid ang friend ko na walang anak at gustong ampunin ang anak ko. Naguguluhan ako. Parang nagi-guilty ako kung ipamimigay ko ang baby ko pero magkakaroon naman siya ng mabu­ting future kung mapupunta siya sa pamilyang may sinasabi sa buhay. Ano ang dapat kong gawin?

Dear Gwen,

Bilang ina, responsibilidad mong pagtitiisan ang pag-aaruga sa iyong anak. Mahirap pero kailangan. Kahit malaki ang utang na loob mo sa pamilyang iyan ay dapat maging mas matimbang ang dugo kaysa tinatawag na debt of gratitude. Anak mo iyan at ikaw ang dapat mag-alaga. Kung nahihirapan ka, kumuha ka ng katulong. Kabawasan marahil sa iyong kikitain pero makatutulong naman sa iyo. Parang investment din iyan dahil kapag bawas ang hirap mo, mas nakapag-iisip ka ng paraan para lalong dagdagan ang iyong kinikita. Nasa sa’yo pa rin ang desisyon.

 

Show comments