Dear Vanezza,
Itago mo na lang ako sa pangalang Vince, 35 years old. Two years na kaming hiwalay ng misis ko matapos ang 10 taong pagsasama. Iniwanan niya ako dahil sa udyok ng kanyang mga magulang dahil mahirap lang kami. Hindi ko maibigay ang luho ng aking asawa na lumaki sa isang pamilyang mayaman. Nang iwanan niya ako ay wala akong mabanaagang pagsisisi sa kanyang mukha. Sa tingin ko’y nasagad na rin siya sa hirap sa piling ko. Dala-dala niya ang nag-iisa naming anak. Ngayo’y mayroong naka-file na annulment at ang sinasabing dahilan ay marital infidelity. Pero sa totoo lang, mahal ko ang asawa ko at hindi ako nagtaksil sa kanya kahit kailan. Nag-iisa ako ngayon at nangungulila. Ano ang maipapayo mo?
Dear Vince,
Maaari kang lumaban at pasinungalingan ang kanilang paratang pero ang asawang determinadong humiwalay ay hindi mapipilit bumalik sa iyo. Kung mahal ka niya talaga, dapat ay handa niyang ipaglaban at kasama mo siyang nagtitiis sa hirap at ginhawa. Pero dahil nagpaudyok siya sa kanyang mga magulang, nangangahulugan na hindi siya sanay sa hirap at mas mahalaga sa kanya ang sarap ng buhay kaysa sa iyo. Siguro ay tanggapin mo na lang ang masakit na katotohanang iyan.
Sumasaiyo,
Vanezza