Dear Vanezza,
Ako po ay isang kasambahay at namamasukan dito sa Caloocan. Tawagin mo na lang akong Agnes. Isa pong Koreano ang amo ko at siya lang ang pinagsisilbihan ko dahil wala ang pamilya niya rito. Ako po ay 27 anyos at iniwanan ko ang aking asawa at dalawang anak sa Leyte dahil sa hirap ng buhay. Gusto ko nang mag-abroad pero mababa ang aking natapos kaya wala akong tsansa. Sa probinsiya, nagtitinda lang ako ng isda at ang mister ko ay mangingisda. Kamakailan ay nag-propose sa akin ang aking amo. Sabi niya hiwalayan ko ang aking asawa at dadalhin niya ako sa Korea at dun pakakasalan. Minsan na akong natukso at kami’y nagsiping. Isang gabi lang iyon at di ko na inulit dahil nakokonsensiya ako. Naisip ko na kung sasama ako sa kanya ay baka mabigyan ko ng magandang buhay ang aking mga anak. Ano ang dapat kong gawin?
Dear Agnes,
Hindi ganyan kadali ang iniisip mo. Huwag kang paloko sa amo mong Koreano dahil gusto ka lang pagsamantalahan. At nakaisa na nga siya. May asawa ka at mga anak at huwag kang magtataksil sa kanila. Nakakatakot ang balak mong sumama sa Korea kung totoo man ang kanyang pangako dahil baka kung ano lang ang gawin niya sa’yo doon. Ang magandang dapat mong gawin ay umalis na sa amo mo dahil baka maulit na may mangyari sa inyo at tuluyan ka ng mahulog sa tukso.
Sumasaiyo,
Vanezza