‘The lonely ghost’ (21)

NAIS nang sisihin ni Clarissa ang nasa Itaas. “Bakit po naman Ninyo pinayagan na mawala ako sa piling ni Raymundo, kung kailan magkikita na kami sana ng kanyang kaluluwa? Nagtatanong lang po, Panginoon.”

Narito siya sa ibang sibilisasyon. Sa iba na namang panahon.

Binasa ni Clarissa ang umiilaw na mga letra, sa harap ng mataas na gusali: WELCOME  HONG KONG SUMMER 2013.

Natigilan ang magandang multo ni Clarissa. “Napabalik ako sa 2013. Sa dekada nina Ginoong Jake at Binibining Menchu.”

Natatandaan pa niya ang dalawang ghost chasers sa Pilipinas. Dapat pala siyang kumunsulta sa dalawang ito. Baka siya mapapaliwanagan sa mga nangyayari sa kanila ni Raymundo.

Paano ba siya pupunta sa Pilipinas 2013? Paano ba niya muling makikita ang mababait na ghost chasers?

“Nag-a-activate ang ghost locator natin!”

“M-may ghost sa malapit!”

Kilala ni Clarissa ang mga tinig, nagmumula iyon sa likuran niya.

“Mahal na Poon, narito sina Binibining Menchu at Ginoong Jake!” masiglang bulalas ni Clarissa.

Nilapitan niya ang dalawa. Niyakap ang mga ito.

“Kailangan ko kayo, nakita ko si Raymundo sa Chicago 1930!” sabi niya, pero hindi narinig ng dalawang young adults.

Tarantang iniisip ng multo kung paano makikita ng dalawa. Ang alam niya’y rumerehistro ang kanyang presencia sa bagay na hawak ng mga ito.

“Nasa harap natin ang multo, Menchu. Sino kaya ito? Bakit tayo nilapitan?” Nakatitig si Jake sa digital gadget.

Hindi na takot sa taga-kabilang buhay ang dalawang ghost chasers. “Magpakita ka, kaila­ngang makausap ka namin, ghost.”

Itinodo na ni Clarissa ang lakas ng isip. Kailangang makita ng dalawang kabataan ang multo niya.

“Aaaahh,”  hirap niyang daing. Parang mamamatay ang patay na.

Lumitaw siya. Nakilala agad. “Clarissa ng 1890s, nagbalik ka.”

Sa harap ng chocolate house sa Hong Kong nagkuwento ang malungkot na multo. “Nakita ko ang pagpatay kay Raymundo, sa Chicago noong 1930…napakamadugo ng kanyang kamatayan.”

 (TATLONG LABAS. SUBAYBAYAN)

Show comments