‘The lonely ghost’ (12)

GULAT na gulat si Clarissa sa malakas na pagsabog. Maraming sugatan sa entabladong pinagdarausan ng miting de abanse. Naunawaan niyang may halalan; na ang bansang Pilipinas ay malaya na sa mga Kastila.

Pero bakit magulo pa rin?  Tingin ni Clarissa, higit na malakas ang pagsabog na ito kaysa sa kanyon ng mga guardia civil.

Nakihalo ang multo ni Clarissa sa mga taong nagkakagulo. Natanaw niya nang malapitan ang mga sugatan. Hula niya’y mga kandidato.

Hindi niya nais matensiyon, ayaw niya ng madugong tanawin. Kumawala si Clarissa sa mga taong nagkakagulo.

Natandaan niya ang ngalan ng lugar. Quiapo.

Mabilis nang lumayo si Clarissa doon. Sumanib siya sa hangin, tinangay sa ibang bahagi ng lunsod.

Nadaanan niya ang malapad na ilog na may mga tulay na malalaki, nagkakatanawan. Ibang-iba na pala ang kanyang bansa sa panahong ito.

Bahagi  pa rin iyon ng hinaharap, ng future, alam ni Clarissa.

Nakaunawa ang magandang multo sa isang katotohanan—na ang ispiritu ng tao ay walang kamatayan.

Mula sa malapad na ilog ay narating ni Clarissa ang iba pang landmark ng lunsod. Hindi niya alam na iyon ang Post Office Building; na iyon din ang Intramuros na panahon pa ng Kastila; na sa dako pa roon ng ilog ay ang Palasyo ng Malakanyang.

Hindi pa rin alam ni Clarissa na siya ay nakara­ting sa Luneta na dating Bagong Bayan sa kanyang panahon.

Nalaman naman niya ang ngalan ng malapad na ilog. Pasig.

Doon dumaan ang kaskong sinakyan ni Rizal, nabalitaan niya habang nasa Paris-- noong sila’y nabubuhay pa.

Nakita ng multo ni Clarissa ang bantayog ni Rizal sa Luneta, naunawaang naging pambansang bayani ang butihing doktor.

BLAG. Bumunggo ang malungkot na multo sa malapad na dibdib ng isang lalaki,  Hindi siya naramdaman nito.

Pero si Clarissa the ghost ay namangha nang makita ang anyo nito.

Kamukhang-kamukha ito ng naglahong kasintahan. “R-Raymundo?”

Hindi siya nakikita, hindi rin naririnig ng lalaki. (ITUTULOY)

 

 

               

Show comments