Dear Vanezza,
Ako si Terry, 26 years old. Hiniwalayan ako ng mister ko at sumakabilang-bahay. Isang anak na lalaki ang iniwan niya sa akin na mag-isa kong inaÂaruga ngayon. Grade five na siya nitong pasukan. Madalas akong tinatanong ng anak ko kung nasaan ang tatay niya. Lagi kong sinasabi na patay na siya. Pero hinahanap-hanap pa rin siya ng anak ko. Kasi noong magkasama pa kami, masyado siyang malapit at malambing sa anak namin. Anim na taong gulang pa lang ang anak namin nang iwanan niya ako at gabi-gabi ay umiiyak ang bata. Nang lumaon ay medyo nakalimot na yata pero may pagkakataong hinahanap pa rin niya ang ama niya. Dapat ko bang panatilihin sa isip niya na patay na ang tatay niya?
Dear Terry,
Kung sasabihin mong patay na ang asawa mo sa iyong anak ay nagsisinungaling ka at hindi maganda ang magiging epekto nito sa bata. Maaga pa lang ay sabihin mo na ang totoo at baka sisihin ka pa niya kapag nalaman na niya ang katotohanan. Walang lihim na naitatago habambuhay. Hindi masamang magsabi nang tapat. Ipaliwanag mo sa kanya ang sitwasyon para maunawaan niya kung bakit hindi n’yo na kapiÂling ngayon ang kanyang ama.
Sumasaiyo,
Vanezza