‘The lonely ghost’ (6)

NAGBIBIP ang ghost locator nina Menchu at Jake sa kinaroroonan ng lalaking nakakita kay Clarissa, ang nangungulilang multo.

“Jake, palagay ko’y nahimatay ‘yung tao dahil sa multo! Nasa vicinity na tayo ng ghost!”

“Pinakamalakas nga at consistent ang alarm nitong locator, Menchu. My God, nasa presence na nga tayo ng multo!”

Dinaluhan nila ang hinimatay habang walang tigil ang tunog ng ghost locator. Bip-bip-bip-bipp.

Tama ang digital gadget, naroon pa si Clarissa.

Awang-awa ito sa lalaking hinimatay sa takot sa kanya. Panay ang dasal sa sarili ni Clarissa. “Mahal na Poon, hindi ko po mapapatawad ang sarili ko kapag namatay itong lalaki. Iligtas Mo po siya.”

“Manong, gising. Gising po.” Si Menchu ang nasa tabi ng hinimatay. Si Jake ay abala sa ghost locator.

“Alam naming narito ka pa, ghost. Magpakita ka, nais ka naming tulungang makapanhik.” Halos bulong ang pakikipag-usap ni Jake. Literally ay gusto ni Jake na maging ghost whisperer, taga-bulong sa multo.

Dinig iyon ni Clarissa. Nalilito ang dalagang multo. Tutulungan daw siyang ‘makapanhik’. Saan ba siya dapat makapanhik?

Ayaw magparamdam ni Clarissa. Mapagkakatiwalaan ba ang mga ito?

Nakita niyang sinsero ang babae sa pag-revive sa lalaking hinimatay. “Manong, gising po.”

Magtitiwala na ba siya sa dalawang halos kaedad niya?

“Ghost, magparamdam ka. Mag-usap tayo. Mga kaibigan kami.”

Kaibigan daw ang mga ito. Kailangan ni Clarissa ng kaibigan sa istrangherong lugar.

Pero baka matakot din sa kanya ang mga ito?  Nag-aalala si Clarissa. Kung makikipag-usap siya, hindi naman niya kontrolado ang lakas ng tinig—minsan ay normal ang volume, madalas ay parang kulog sa lakas.

Magpapakita na lang ba siya?  Paano kung…matakot din sa kanya?

“M-Menchu, ayon sa ghost locator, n-nasa tabi ko na a-ang multo.”

“Kausapin mo pa, Jake. Malapit nang magising si Manong. Tutulungan kita later diyan. We must talk to the ghost, iyon ang aim natin.”

Hindi alam nina Menchu at Jake ang gender ng multo, kung babae o lalake. Hindi rin alam kung kailan ito namatay “Ghost…b-bibigyan kita ng cellphone. Here, ilalapag ko. Mag-text ka, okay?” (ITUTULOY)

 

Show comments