Kung magkikita tayong muli...

MANILA, Philippines - Maraming tao, lalaki man o babae ang nagkakaproblema sa oras na masalubong nila ang kanilang ex sa mga hindi inaasahang pagkakataon at lugar. Ang ganitong sitwasyon ay posibleng muling magbalik ng dati mong “feelings”  sa kanya, pag-ibig man ito o dating galit sa kanya. Ngunit anuman ang maging sitwasyon, dapat na ikaw ay handa at kontrolado ang iyong emosyon at reaksiyon. Narito ang ilang hakbang kung anong dapat mong gawin sa nasabing pagkakataon.

Huwag kabahan – Kapag ang isang tao ay kinakabahan, hindi niya nakokontrol ang kanyang kilos at pananalita. Kaya naman  dapat  na magkaroon ng “presence of mind”. Dahil maaaring isipin niyang mahal mo pa rin siya o galit ka pa rin sa kanya. Magdudulot lang ito sa kanya ng panibagong korona o pangungunsensiya. Kaya dapat na maging kalmado.

Maging normal – Kung normal sa’yo ang maging palangiti, bakit hindi ito gawin? Kahit na nakikita mo ang taong ito at anumang pakiramdam ang idinudulot nito sa’yo, ngumiti ka pa rin sa kanya at sa lahat ng tao sa iyong paligid. Mas kinakailangan mo itong gawin kung makikita mo ang iyong ex na mayroong kasamang bagong girlfriend/ boyfriend. Mas hahangaan ka niya kung makikita niyang ikaw ay “sport” sa inyong relasyon.

Makipag-usap ng maikling oras – Kung ilang linggo pa lamang kayong naghihiwalay, ito ang kinakailangan mong gawin upang kapwa kayo makaiwas sa panibagong hidwaan o sama ng loob. Maaaring muli ninyong mabuksan ang paksa tungkol sa inyong relasyon kung matagal na magkakausap. Pero, kung nakalipas na ang ilang taon at pakiramdam mo naman ay naka-move-on ka na puwede ka ng maki­pagkuwentuhan sa kanya ng maayos at masaya.

Kung hindi pa naghihilom ang sugat, umiwas sa kanya –  Kung pakiramdam mo ay nananatili pa rin ang luha sa iyong mga mata, ang pag-iwas na makita at makausap ang iyong ex ang pinakamabisang gawin. Masyado ka lang magmumukhang kawawa sa kanyang harapan kung makikita niyang hindi ka maka-move-on. Itabi mo muna ang mga bagay na nais mong ikuwento sa kanya hanggang sa mawala ang sakit sa iyong dibdib at buong kumpiyansa mo na siyang mahaharap at makakausap.  Sa halip na isipin mo ang lahat ng sakit at panghihinayang sa inyong relasyon, ang balikan mo na lang ay ang mga magaganda at masasayang bagay na inyong pinagsamahan bago kayo nagkahiwalay at kung masasalubong mo siya, iwasan mong magtanong kung mayroon na siyang bagong relasyon dahil maaaring magdulot ito ng sakit sa’yo.

 

 

Show comments