Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Marcy, 20 anyos at isang kasambahay. Mabait ang amo ko at dalawang taon na ako sa kanila. Isa na siyang biyudo at parang tatay ko na dahil masyado siyang mabait sa akin. Pero hindi ko sukat akalain na isang gabi ay akbayan niya ako at halikan. Itinulak ko siya pero hindi ako nagsalita. Kinabukasan ay palihim akong kinausap ng amo ko at nag-sorry. Lasing lang daw siya. Pero nagsimula na akong matakot sa kanya. Baka isang araw ay pagsamantalahan niya ako. Siya lang at dalawang anak na babae ang kasama ko sa bahay pero madalas na nasa abroad ang mga anak niya. Iniisip ko na umalis na sa bahay na iyon dahil baka may mangyaring masama sa akin. Tama ba ang gagawin ko?
Dear Marcy,
Masama pala siyang malasing. Pero kahit minsan lang nangyari iyon mabuti na ang nagsisiguro dahil malamang maulit iyan at baka mas masahol pa ang mangyari. Kahit minsan lang niya ginawa, maituturing pa ring pangmomolestiya iyan. Huwag ka nang magdalawang-isip at umalis ka na sa bahay na iyan. Marami ka namang ibang mapapasukan kaya huwag kang matakot umalis sa kasalukuyan mong amo na mukhang hindi mapagkakatiwalaan. Mas mabuti rin kung ang pangyayaring ‘yan ay maipaalam mo sa iyong malapit na kaibigan o kaanak para hindi ka man agad makaalis sa kanyang poder ay may nakakaalam sa iyong sitwasyon sakaling gawan ka niya ng hindi maganda.
Sumasaiyo,
Vanezza