Minsan hindi maiiwasan na ikaw ay gayahin ng iyong mga maliliit na kapatid sa loob ng inyong bahay. Maaaring ginagawa niya ito para ikaw ay patawanin o inisin. Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon, ikaw ay dapat na mainis sa kanila dahil maaaring bilang isang nakatatandang kapatid, ikaw ang nagiging ehemplo niya sa lahat ng kanyang ginagawa. Narito ang ilang paraan para maiwasan mong mainis sa kanya:
Obserbahan siya – Suriin mabuti kung talagang kinokopya niya ang iyong mga ginagawa, maganda o pangit man ito. Kung mapapatunayan mong talagang ginagaya ka niya, mabuting kausapin siya at sabihin sa kanya na natutuwa ka sa mga bagay na kanyang ginagawa at nakikita mong ginagaya niya ang iyong mga magagandang ginagawa. Ngunit ipaliwanag din sa kanya na hindi lahat ng bagay na iyong ginagawa ay dapat niyang gayahin dahil minsan ito ay hindi mo ikinatutuwa.
Humingi ng tulong sa iyong magulang – Kung sa tingin mo ay hindi umubra ang ginawa mong pakikipag-usap sa kanya, mabuti din na sabihin mo sa inyong mga magulang ang iyong problema sa iyong kapatid upang sila ang kumausap dito.
Dedmahin – Kung ang lahat ng nabanggit sa itaas ay sumablay, mas mabuting dedmahin mo na lang ang iyong kapatid na gumagaya sa’yo. May mga bata kasi na hangga’t pinapansin ang kanilang ginagawa ay lalong ginaganahang gawin ito para mapansin. At kung sa tingin mo, ang pagpapansin ang dahilan kaya ka niya ginagaya, bakit hindi ka maglaan ng oras para sa kanya. Maaari kang makipaglaro o basahan siya ng kuwento. Sa pamamagitan nito, mas mapapalagay ang loob niya sa’yo at hindi ka na niya gagayahin at aasarin dahil nagkakaroon siya ng masayang “moment†na kasama ka.