Ang tinutukoy nating trauma dito ay ang nakakaapekto sa aspetong emotional at psychological. Kadalasan kasing naiisip kaugnay sa salitang trauma ay ang pisikal na epekto sa isang tao.
Ayon sa mga health care expert, kung gaano ang hatid na pangamba at takot sa isang tao ng sitwasyon o pangyayari, ganoon din ang dulot nito na pagka-traumatize.
Ang ilan sa mga tinukoy na nakakapagdulot ng emotional at psychological trauma ay ang mga pangyayari na naganap nang hindi inaasahan, sa kawalan ng kahandaan ng isang tao, ang pagkaramdam na wala kang magawa para makaiwas dito, nangyayari ang sitwasyon nang paulit-ulit, intensiyonal ang atake at maaaring nangyari sa panahon ng iyong pagkabata.
Mahalaga rin na malaman, na alinman sa emotional at psychological trauma ay maaaring naranasan sa isang partikular na sitwasyon lamang, isang pagkakataon gaya ng aksidente, kalamidad o pagsugod ng kaaway. Puwede rin itong dulot ng patuloy, tumitinding stress, gaya ng pagkasangkot sa isang kriminal o ang pakikipaglaban sa nakamamatay na cancer.