‘Haunted hospital’ (14)

GALIT na umiiyak na si Nurse Armida sa multong nanggugulo sa ICU. Inuugoy ng multo ang dextrose ng pasyenteng lola. “Hu-hu-hu. Hindi kita uurungan kahit multo ka pa!”

Tila nahamon ang taga-kailang buhay, iniba ang gimmick. Iniwan ang dextrose na nakasabit.

Hindi pa rin nakikita ng may-edad na nars ang nagpaparamdam na bad spirit. Napansin naman ang paghina ng ugoy ng intravenous fluid sa sabitan. Nabuhayan ng loob pati bantay.

May ibang plano ang multo. Biglang dinakma sa binti ang bantay na dalagita. Nadama nito ang malamig na kamay ng multo, ayaw bumitiw.

“Eeeee! Eeeeee! Nurse Armida, may nakakapit sa binti ko! Malamig na kamay na hindi nakikita!”

“Ikaw naman ang ginugulo ng masamang ispiritu, iha! Teka’t kukunin ko ang panlaban!” Lumabas agad ng ICU si Nurse Armida.

“Eeeee! Sasama ako, nurse!” Tumakbo ring palabas ang dalagita.

Pero nadapa ito, kasi nga’y ayaw bitiwan ng multo ang binti.

Kaylakas ng lagabog ng dalagita. BLAG.

Humihingal na nakabalik si Nurse Armida, dala ang panlaban. Ang banal na krusipiho. 

Nakitang nakadapa sa lapag ang dalagita. “Nurse Armida, saklolo! Ayaw akong bitiwan!”

Itinaas ng may-edad na nurse ang crucifix. “Lumayas ka, masamang ispiritu! In Jesus’ name!”

Naganap ang inasahan—biglang may balumbon ng itim na usok na kumawala sa may paanan ng dalagita, pumaitaas hanggang sa mawala.

Humahagulhol na nagyakapan si Nurse Armida at ang dalagitang bantay ng lola. Alam nilang wala na ang masamang multo.

Nang umayos-ayos ang lagay ng lola sa ICU, saka naalala ni Nurse Armida ang malubhang pasyenteng nasa emergency room. Ano na ba ang nangyari? Naipalipat na ba ito ni Nurse Olga sa ibang pagamutan?

Hindi sa ER, sa Operating Room niya nakitang palabas si Nurse Olga. Hapung-hapo ang dalagang nars.

Kinabahan si Nurse Armida. “S-Sino’ng inoperahan diyan, Nurse Olga? Nasaan na ang pasyenteng malubha?”(ITUTULOY)

 

 

 

 

 

Show comments