Nai-in love sa hipag

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang ako sa pangalang Abel, 28, binata pa. Umiibig ako sa aking hipag na asawa ng nakababata kong kapatid. Isang drug addict ang utol ko at labas-masok sa piitan dahil napapa-trouble lagi. Kalbaryo ang dulot niya sa kanyang asawa at hindi na siya nakukuha sa pangaral. Madalas, ako ang hingahan ng sama ng loob ng aking hipag na lagi pang sinasaktan ng kapatid ko. Awang-awa na ako sa aking sister-in-law at sa pakiramdam mo’y hindi lang awa kundi pagmamahal na ang nadarama ko sa kanya. Alam kong mali ang nadarama ko. Pero ako ang laging takbuhan ng hipag ko at hindi ako makaiwas. Tama bang magpakalayo ako para hindi kami mahulog sa tukso?

Dear Abel,

Ang maaari mong gawin ay iwasan mong magkasarilinan kayo ng iyong hipag kahit pa ang turing lang niya marahil sa iyo ay isang nakatatandang kapatid na dapat dulugan sa harap ng kanyang matinding problema. Kung lumalapit siya sa iyo, siguruhin mong may iba kang kasambahay at huwag kayo lamang dahil posibleng mahulog kayo sa tukso at lalong lulubha ang problema sa inyong pamilya. Mahirap kasi kung tuluyan kang lalayo sa gitna ng problema dahil bilang kapatid ay kasama ka sa paglutas ng problema. Ang kapatid mo ay kadugo mo pa rin ano man siya at ang magandang gawin ay ipasok siya sa rehabilitation center upang matanggal ang kanyang bisyo. Kung buhay pa ang inyong mga magulang ay pananagutan nila iyan. Kung hindi naman, tungkulin mo iyan bilang kuya. Kung may iba ka pang mga kapatid at kaanak, pagtulungan ninyong ituwid ang landas ng inyong kapatid na naligaw.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments