Kinukursunada ng bayaw

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Sara, 26 years old. Ang problema ko ay tungkol sa bayaw ko na nagkakagusto sa akin. Asawa siya ng ate ko. Nakatira kami sa iisang apartment kasama ang dalawa nilang anak. Galing ako sa probinsiya at nagkaroon ng trabaho sa Maynila kaya nakipanuluyan ako sa kanila. Minsan na siyang nanligaw sa akin pero diretsahan ko siyang tinanggihan at pinagsabihan ko pa ng walanghiya at makapal ang mukha dahil hindi na niya inisip na sarili kong kapatid ang gusto niyang pagtaksilan at ako pa ang gagawan niyang dahilan ng pagtataksil niya. Isang beses nang kami lang dalawa sa bahay ay bigla niya akong niyakap ng mahigpit at hinalikan sa labi. Nang nakakuha ako ng buwelo ay sinampal ko siya. Pero matapos iyon at parang may kakaiba akong init na naramdaman. Pinipigil ko ang aking sarili dahil ayaw kong magkasala sa sarili kong kapatid. Ano ang dapat kong gawin?

Dear Sara,

Habang maaga, lumipat ka na ng tirahan. Hindi baleng magbayad ka ng upa basta’t malayo ka lang sa tukso. Habang nakapisan ka sa kanilang mag-asawa ay naririyan ang panganib na matukso ka at ang tanging paraan para makaiwas ay kusa kang lumayo. Isipin mo na sarili mong kapatid ang pagtatrayduran mo kapag nahulog ka sa tukso. Ang consequence niyan ay kasusuklaman ka ng iyong kapatid at baka pati sarili mong mga kaanak ay mamuhi sa iyo. Kung magiging makulit sa panliligaw ang bayaw mo, makabubu­ting sabihin mo ito sa iyong ate para matapos na ang kabalbalan niya.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments