Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Emer, 47 years old, isang karpintero at 10 taon ng biyudo. Kahit sa palagay ko ay hindi pa ako masyadong matanda, sa tingin ng iba ay matandang-matanda na ako. Kasi ay talagang batak sa trabaho ang katawan ko. Medyo nakakalbo na rin ako at yung natitirang buhok ko ay puting-puti na. Paiba-iba ako ng destino. Kung saan may construction project ay naroron ako. Iba-ibang babae rin ang nakikilala ko. Mga batambata at hindi maiiwasang tumibok ang aking puso. Kaso, ang tawag sa akin ng mga babaeng ito ay lolo. Gusto ko sanang dumiskarte pero hindi ko magawa dahil baka pagtawanan ako dahil “nagmumurang kamatis†daw ako. Ano kaya ang gagawin ko para mabura ang impresyon sa akin na isang lolo?
Dear Emer,
Ang umiiral sa’yo ay inferiority complex. Nauunahan ka ng hiya dahil tinatawag kang lolo. Napakaraming mas matanda pa sa iyo pero nakakabingwit ng bata at maganda. Nasa diskarte lang ‘yan, ika nga. Subukan mo munang dumiskarte bago mo husgahan ang iyong sarili. Tandaan mo na ang anyo, gaano man kaganda ay kumukupas sa pagdaan ng panahon. Kapag matanda na at kulubot na ang balat ng tao, pare-pareho na lang tayong salat sa ganda. Pero ang ganda nang kalooban ang gandang hindi kumukupas kahit wala na sa mundo ang tao. Yan ang wag mawawala sa’yo.
Sumasaiyo,
Vanezza