Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Jeni, 30 years old. Separated ako sa asawa na nasa Germany na. Wala kaming anak dahil isang buwan lang kaming nagsama at nag-abroad na siya para magtabaho. Pero naging mahina siya at ang balita ko’y nakapag-asawa na doon. Hindi na ako naghabol pa at minabuti kong pabayaan na lang siya. Alam ng boss ko ang aking kalagayan at nagkaroon kami ng illicit relationship. Ang problema ko’y mayroon siyang asawa at 2 anak. Sinasabi niyang hindi siya masaya sa piling ng kanyang asawa. Pinag-iisipan kong mabuti kung papatol ako sa gustong niyang magsama kami. Masyadong masalimuot ang papasukin ko, pero naghahanap din ng pag-ibig ang puso ko. Ano ang mabuti kong gawin?
Dear Jeni,
Kung wala nang pag-asang magkabalikan kayong mag-asawa, totoong may karapatan kang lumigaya at bumuo ng pamilya. Pero huwag sa may pananagutan na. Tama ka na masalimuot ang papasukin mong problema. Imbes na ligaya, tiyak na sakit ng ulo ang papasukin mo. Dapat ding ayusin mo muna ang iyong status dahil legally speaking, kasal ka at buhay pa ang iyong asawa bagamat magkalayo kayo. Sa ilalim ng batas, isang ground ang kawalang katapatan ng babae o lalaki para mapawalang-bisa ang kasal. Kumonsulta ka sa abogado kaugnay ng marital annulment. Samantala, kalimutan mo na ang boss mo na may asawa.
Sumasaiyo,
Vanezza