Alam n’yo ba noong 776 BC, ginamit ang kalapati sa kauna-unahang Olympic game bilang tagapaghatid balita? Ang bawat manlalaro sa Olympic ay kinakailangan na may dalang kalapati at ito ang maghahatid ng balita sa mga kaanak at kaibigan ng manlalaro na siya ay nanalo sa paligsahan. Ngayon, ginagamit pa rin ang kalapati sa panimula ng Olympic game bilang simbolo ng kapayapaan at kagandahang-loob para sa buong mundo. Maging si Julius Caesar ay gumamit din ng kalapati, 2,000-taon na ang nakakaraan. Kapag siya ay bumibiyahe sa Europa, ipinapadala niya sa kalapati ang kanyang mensahe sa mga taga-Roma hinggil sa bansang kanyang binisita. Ang ibang uri ng ibon ay kinakailangan munang lumipad ng makailang distansiya bago tuluyang makalipad papaitaas, ngunit ang kalapati ay kaya agad pumataas ng hindi na nangangailangan bumuwelo ng ilang distansiya.