Boyfriend ko si kamatayan (26)

BREAK na tayo. Ito ang huling sabi ni Lezzy kay Negro Angelo habang paalis na ng silid niya ang boyfriend. Masamang-masama ang loob ng dalaga sa katotohanang ihinayag nito. She’s dying sa loob ng 28 days.

“Hu-hu-hu-huu.” Hindi matapus-tapos ang iyak niya. She feels so helpless and betrayed. Bakit kung kailan gustung-gusto pa niyang mabuhay ay saka naman siya papatayin?

Darating ang kanyang boyfriend para siya patayin-- ito ang nasa diwa ni Lezzy.

“Mamamatay-tao! Kriminal! I hate you, Negro Angelo!” Isinigaw niya ang pagtutol. 

Pero ang bantang pagwawala, ang pagpapa­sasa sa lahat ng sarap ng mundo, ay hindi nagawa ng dalaga. Kahit super-spoiled ay may nalalabi pa rin siyang moral values.

NATAGPUAN ni Lezzy ang sarili na nasa lugar ng mga sagad sa hirap. Nakita ang mga batang edad 7-8 na namumulot ng basura, nakayapak na nakabilad sa arawan sa paghanap ng ikabubuhay.

Sa buong buhay niya ay hindi siya nagdanas ng hirap, alam ni Lezzy. Lumaki siya sa karangyaan. Walang pakinabang sa kanya ang mundo.

Napaluha siya sa habag sa mga batang yagit. Boluntad sa kalooban niya nang dalhan ng maraming pagkain ang mga batang ito.

Walang tanung-tanong, walang pagtutol na nagbilad din si Lezzy sa araw, bukal sa loob na namigay sa mga batang kapuspalad.

Hindi  sumagi sa isip niya na ang kanyang ginagawang ito ay baka mapansin ng Diyos; na baka siya ay bibigyan ng pasaporte sa Langit.

Pati mga aso at pusang gala, na halatang gutum na gutom, ay napansin ni Lezzy.

Binigyan din niya ng pagkain, at tubig na maiinom, ang mga ito. Sa unang pagkakataon ay nagamit niya sa kapakipakinabang na dahilan ang kanyang malaking sasakyan. Dito niya ikinarga ang mga pagkain at tubig.

Bigla rin ay nawala sa kanyang katauhan ang lahat ng kaartehan at kaeklayan ng katawan. Hindi na siya nagme-make up. Ang tanging luxury niya ay paliligo sa tapat ng shower.

Wala siyang binalitaan ng nalalapit niyang kamatayan. Wala na rin siyang sama ng loob kay God. (TATAPUSIN)

 

Show comments