Mahal pa rin ang asawa

Dear Vanezza,

Tawagin mo na lang akong Makoy, 35. Hiwalay ako sa aking misis. Kasalanan ko dahil naloko ako sa ibang babae. Dalawang taon din kaming nagsama ng aking babae pero hiniwalayan din ako nang makakita ng matandang mayaman. Labis akong nagsisisi dahil mabait ang misis ko at maasikaso sa akin at sa aming mga anak. Hindi siya katulad ng kinasama kong babae na masyadong mapustura sa katawan at halos masaid ang aking suweldo sa mga luho at kapritso niya. Mayroon kaming isang anak na nasa asawa ko. Nami-miss ko na ang mag-ina ko na nasa Bicol sa probinsya ng misis ko. Nabalitaan ko rin na may iba nang kinakasama ang misis ko. Mayaman daw at itinuring na tunay na anak ang anak ko. Puwede ba akong magdemanda ng adultery sa kanya? Payuhan mo sana ako.

Dear Makoy,

Kung ano man ang ginawa ng asawa mo sa iyo ay bunga lamang ng ginawa mo sa kanya. May bahagi ka sa pagkawasak ng iyong pamilya. Mabu­ting harapin mo ang bunga ng iyong pagkakamali. Kung minsan tayo ay nakakagawa ng mga bagay na pinagsisisihan natin sa dakong huli. Kung nami-miss mo ang iyong asawa at anak, isa lang ang ibig sabihin niyan. Mahal mo pa rin ang iyong misis sa kabila ng lahat. Medyo complicated na ang sitwasyon ngayon kung ang nais mo ay makipag-reconcile dahil may kinakasama na siyang iba. Marahil nga ay may legal right ka na maghabla pero iyan ay mangangailangan ng legal assistance mula sa isang abogado.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments