Huwag isara ang puso
Dear Vanezza,
Ako si Nanding, isang government employee. Mag-30 anyos na ako sa susunod na taon at magpapakasal na sana kami ng gf ko pero natuklasan ko na niloloko niya pala ako. Mayroon siyang ibang dini-date. Noong una’y akala ko tsismis lang ito ng mga taong gustong sirain ang aming pagsasama. Inaway ko pa ang kaibigan ko na nagbalita sa akin na may ibang lalaki ang gf ko. Totoo pala at hindi tsismis dahil mismong ako ang nakahuli sa kanila ng kalaguyo niya na palabas galing sa motel. Hanggang ngayon ay hindi ako kinakausap ng kaibigan ko dahil sa nangyari. Humingi na ako ng tawad sa kanya. Hindi ko siya masisisi, masyado akong nagtiwala sa nobya ko. Natatakot na tuloy akong makipagrelasyon uli. Pero ayaw ko rin namang tumandang binata. May nagugustuhan akong babae ngayon. Bagong pasok sa aming opisina. Dapat pa ba akong manligaw matapos ang dinanas kong kabiguan?
Dear Nanding,
Sa buhay, may mga masasakit na pangyayaÂring ayaw nating maganap sa atin pero nangyayari. Kung pinagtaksilan ka ng gf mo, hindi naman dahilan yan para ka magmukmok at bayaang tumigil sa pag-ikot ang iyong mundo. Huwag kang mabahala dahil hindi pare-pareho ang tao. May mga taksil, pero marami pa rin naman ang tapat magmahal. Huwag kang matakot pumasok sa bagong relasyon. Malay mo, ang bagong ka-officemate mo na pala ang kapalaran mo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest