From Kuala Lumpur with love (6)

SABI kay Jayson ni Geraldine, naghahanap ito ng katarungan. Tantiya ng binata, mabigat ang problema ng dalagang Pinay na nasa ibang bansa.  “Gusto mong i-share sa akin, Geraldine?”

Parang natauhan ang babae. “H-ha? Kuwan…huwag na lang, Jayson. Bago lang tayong magkakilala, nakakahiya naman.”

“Geraldine, ang mga Pilipino ay nagtutulungan, laluna kung nasa ibang bansa.”

Ngumiti kay Jayson ang magandang Pinay, nasa mga mata pa rin ang nakatagong lungkot.  “Some other day siguro. Salamat.”

Nagpatuloy sa pagkain ng breakfast sa dining hall ng hotel si Jayson. Nakatingin lang sa kanya si Geraldine.

“Kahit ba fruits or coffee ay ayaw mo?” Naalala ni Jayson na wala pang kinakain ang dalaga.

“No, thank you.”

“Sabay tayong mag-lunch, sa Pavilion Mall, okay sa iyo?”

Umiling ang dalaga, nakangiti. “Hindi ako nagla-lunch.”

“Dalawang sunod na meal of the day ang ini-skip mo?”

Tumango si Geraldine.

“Then I’m inviting you for merienda o kaya’y hapunan,” seryosong sabi ni Jayson.

“Darating ako para magpasyal tayo, sa sinasabi mong mall.”

“Merienda or dinner?  Kung gusto mo’y pareho, iti-treat kita.”

“Hindi nga ako kumakain.”

Ayaw seryosohin ni Jayson ang sinabi ng dalaga. “Meron ba namang   hindi kumakain?”

“Oo, meron. Ako.”

Natawa ang binata. “That’s funny. Unique kang magbiro, Geraldine.”

“Anong oras mo ako ipapasyal?” tanong ng dalaga, nakangiti.

Mid-afternoon sila nag-meet sa entrance ng Pavilion Mall. Gustong sunduin ni Jayson sa hotel room si Geraldine pero tumanggi ang dalaga. Gusto raw ma-maintain nito ang privacy.

May napansin na naman si Jayson habang palapit sa meeting place si Geraldine. “Pareho ng damit na suot niya kanina sa breakfast. Tipid lang ba siya sa damit?”

Naalala niyang ganoon din ang damit na suot ni Geraldine sa eroplano at kahapon na nakita niya itong pasakay na sa elevator.

(ITUTULOY)

 

Show comments