Dear Vanezza,
Ako si Susan, may asawa. Ang problema ko ay tungkol sa mister ko na araw-araw ay umuuwing lasing. Negosyante siya at hindi naman siya nagkukulang sa pinansiyal na sustento sa kanyang pamilya. Iyan ang lagi niyang katuwiran. Kesyo nagsasakripisyo siyang buhayin kami kaya wag na raw pakialaman ang tanging libangan niya, ang pag-inom. Halos hindi ko na siya makausap nang maayos. Maaga kung umalis ng bahay at pag-uwi lasing. Wala naman siyang ibang bisyo kaya pabayaan na lang daw siya. Hindi naman daw siya nambababae. Nag-aalala ako baka siya magkasakit at hindi magtagal sa mundong ito dahil sa sobrang pagkahilig niya sa alak. Hindi ko naman siya mapagsabihan dahil nagagalit siya at inaaway ako. Ano ang dapat kong gawin?
Dear Susan,
Malamang nga na hindi magtagal ang buhay niya dahil sa sobrang pag-inom. Very damaging iyan sa atay at posibleng pagmulan pa ng ibang sakit. Sa tingin ko, alcoholic na ang asawa mo at nangangailangan ng rehabilitasyon. Kaso, mahirap kumbinsihin ang taong ayaw magpakumbinsi. Subukan mong kumausap ng isang malapit na kaanak na puwedeng humimok sa kanya. Madalas, may mga bagay tayong gustong mangyari sa ating mga mahal sa buhay na hindi nangyayari dahil sarado ang mga mata niya sa payo. Kung magkagayon, ipaubaya mo na lang sa Diyos ang lahat.
Sumasaiyo,
Vanezza