‘Sinner or saint (5)

“IYAAAHHH!” malakas na sigaw ni Generoso sabay talon mula sa kama. Takot na takot siya sa aso at pusang  nasa ibabaw ng higaan.

Nakatingin ang mga ito kay Generoso. Ang aso ay may duguang noo, tama ng bala; ang pusa ay biyak ang ulo.

Nakilala agad ni Generoso ang dalawang hayop na gala na kanyang pinatay para tapusin ang paghihirap sa mundo.

Hindi mukhang galit sa kanya ang aso at pusa. Parehong winawagwag ang buntot, tanda na nasisiyahan.

Nabuhayan ng loob ang mayamang maawain. “N-nagpapasalamat kayo, di ba? Hindi kayo nananakot…?”

Naglaho agad ang aso at pusa. Hindi nasagot ang tanong ni Generoso.

Ewan kung ang nang­yari ay bunga lang ng imahinasyon ni Generoso; baka dahil sa guilt, sa madugong pagpatay nito.

“Next time, hindi na talaga ako magiging bayolente. Gaganda­han ko na ang pagtapos sa kanilang buhay,” bulong ni Generoso  sa sarili.

Lumabas siya ng silid, nawala na ang takot. “Akala ko talaga’y gagantihan ako ng pusa at aso. ‘Yun naman pala’y welcome na welcome na pinatay ko na sila…” Hindi na muna siya nagbalik sa higaan. Naisipang daanin  sa kain ang karanasan. Nagkape. Nag-peanut butter sandwich na rin. Madaling araw na siya muling dinalaw ng antok. Payapa na ang loob.

DUMALAW siya sa ibang ospital na pampubliko—sa labas naman ng lunsod. Sa lugar muli ng matatanda, sa geriatric ward.

Iba ang drama ni Generoso. “Gusto kong bigyan ng lakas ng loob ang mga may taning na. Tuturuan ko sila ng maligayang kamatayan.”

Itinuro ng nurse ang pasyenteng babae na inabandona na ng mga kamag-anak; 86 years old, bata nang kaunti kay Mang Juan na 90 na nang kanyang palihim na pinatay.

Kinaibigan ni Generoso ang babaing nakaratay. Wala na ngang nagbabantay dito; wala nang pamilya at kaibigan.

“Hindi po dapat katakutan ang kamatayan, nanang.” “Hindi ako natatakot…mamatay…gusto ko na nga…hindi ko na matiis ang sakit...bobo ang mga duktor. Walang magawa.

“Ayoko nang mabuhay… nawalan na ng saysay ang buhay ko…”

“Tama kayo, nanang. Dapat na kayong mamatay.” (ITUTULOY)

 

Show comments