Ang lihim ni inay

Dear Vanezza,

Ako po ay 20 years old, panganay sa dalawang magkapatid. Ordinaryong pamilya lang kami pero maligaya. Hindi ko  po inaasahan na matuklasan ang lihim ng nanay ko. May ka-chat siya sa internet at hindi lang basta ka-chat kundi may relasyon na siya sa lalaking iyon. Nabasa ko ang text message ng lalaki sa cell phone niya. Lihim silang nagtatagpo. Nang tanungin ko ang nanay ko ay ayaw niyang umamin pero sa dakong huli ay umiyak siya at nangakong lalayuan na niya ang lalaking ito. Inamin niya na dalawang beses na silang nagtatagpo. Walang kaalam-alam ang tatay ko sa pangyayari. Mahal ko ang tatay ko at hindi ko malaman ngayon kung sasabihin ko ito sa kanya o isikreto na lang dahil nangako naman ang nanay ko na hindi na makikipagkita. Ano ang maipapayo mo? - Ida

Dear Ida,

Tingin ko’y mas makabubuting ilihim mo na lang ang natuklasan mo para sa ikapapanatag ng inyong pamilya. Tutal, nagsisisi na ang nanay mo at ipinangakong titigil na sa kanyang kalokohan. Mas seryoso ang implikasyon kapag sinabi mo pa iyan sa iyong ama dahil hindi natin matiyak kung ano ang gagawin niya. Baka maging marahas siya. Bigyan mo ng isa pang chance ang nanay mo pero lagi mo siyang paalalahanan. Lahat naman ng tao’y nagkakasala. Ang mahalaga ay pinagsisisihan ang kasalanan at nagbabago. Sana’y ganyan ang mangyari sa iyong ina.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments