Dear Vanezza,
Ako ay 25 years old, may tatlong anak. Six years pa lang kaming naikakasal ng mister ko nang magkaroon siya ng kerida at nagkaanak sila. Masakit para sa akin ang nangyari at hindi ko alam ang aking gagawin. Two years din silang nagsama at ngayo’y binalikan ako ng asawa ko. Iniuwi niya sa probinsiya ang kanyang babae. Ngayon ay nagsasama na kaming muli. Pero natatakot ako na baka magkita muli ang mister ko at ang kanyang babae. Ano po ba ang gagawin ko? Puwede ko po ba silang idemanda?
Sagot:
Kung gusto mong magdemanda, sana noong una pa lamang ay ginawa mo na bago pa kayo nagkabalikan. Malakas ang laban mo dahil nagsasama sila ng kanyang kalaguyo at may anak pa. Maliwanag na concubinage ‘yan. Pero the fact na tinanggap mo siyang muli at nagsasama kayo samantalang ang kanyang ibang pamilya ay pinauwi niya sa probinsiya ay nangangahulugan na pinatawad mo na siya. Kung magdedemanda ka ngayon, puwede pa siguro pero mahina na ang usapin dahil sa ginawa mong pagpapatawad at muling pagtanggap sa kanya. Ngunit mabuti ang pagpapatawad lalo’t tapat sa kalooban niyang magbabago na siya. Huwag kang matakot sa posibilidad na babalikan niya ang kanyang kalaguyo. Kung mangyari man ito, magpakatatag ka at doon ka na lamang gumawa ng kaukulang aksiyon. Manatili kang maging uliran at mabuting asawa sa kanya at ipakita mong wala kang kapalit.
Sumasaiyo,
Vanezza