UNTI-UNTING sumisilid sa diwa ni William ang dahilan ng bayolenteng pagkamatay ng tanging anak na babae, ang 7-year old na si Tamara. “Bakit hindi mo iniligtas sa kamatayan ang anak natin, Mildred? Anong klase kang ina?”
Sa asawang yumao nagagalit si William. “Nagpakita ka na rin lang at kinausap si Tamara, hindi mo pa sinabihang huwag siyang sumama sa field trip—why?”
Siya na rin ang nagbigay ng sagot. “I know why, Mildred—kasi’y selfish ka, nais mong makasama diyan sa Langit ang anak natin kahit wala sa panahon. My God, musmos pa si Tamara, dapat pa siyang lumigaya sa buhay for so many years…”
Nakaburol si Tamara sa malaking memorial chapel. Nagtatanong ang mga nakikiramay.
“William, kailan ba ang libing ng bata?”
“Bakit walang nakalagay na date? May hinihintay pa bang dumating mula sa malayo?”
Ang sagot ni William ay may kasamang iling at buntunghininga. “Hindi ko pa alam. Gusto kong makasama pa ang anak ko kahit patay na.”
“Pero, William, babaho…mabubulok.”
“Kayang i-extend ng embalsamador, walang problema sa gastos.”
Nagpayo ang kapitbahay na biyuda. “William, wala kang itatagal sa puyat; bibigay ang health mo. Gusto mo ba no’n?”
Langhap ni William ang pabango ng magandang biyuda, nagdagdag sa sex appeal nito. “Donna, actually, nagagalit ako kay Mildred. Bakit hindi niya binabalaan si Tamara?”
Nawirduhan ang seksing biyuda. “William, hindi na puwedeng makialam sa buhay ng tao si Mildred. Patay na siya, ano ka ba?”
“Donna, maraming ulit niyang dinalaw si Tamara. Ang lagi lang sabi ay huwag mag-alala sa mangyayari ang anak namin. Alam ni Mildred na may masamang magaganap.”
Hindi maitago ang bitterness ng batambatang biyudo. “Sana man lang, sinabihan niya si Tamara na huwag tumuloy sa field trip na ‘yon ng school.”
Pinayapa ni Donna ang kapitbahay. Hinagod sa buhok. “S-Sabagay kung sa’kin din nangyari ‘yan, baka mas matindi ang paninisi ko. My God, Tamara is too young to die!”
Naiilang sa biyuda si William. “I’m okay now, Donna.”
ITUTULOY