Dear Vanezza,
Ang problema ko’y tungkol sa misis kong napakatamad. Naiinggit ako sa mga kaibigan ko na ang mga asawa ay napaka-uliran. Kapag uuwi ako ng bahay- galing sa trabaho, napakarumi at magulo ang aming bahay. Dalawang taon pa lang kaming nagsasama at wala pang anak. Lagi siyang nakahiga at nagbabasa ng pocketbook o kaya’y magasin kung daratnan ko sa bahay. Madalas pa nga, puro de-lata ang kinakain ko dahil hindi siya nakakapagluto. Mabuti na lang at may labandera kami at plantsadora, kung hindi baka mukha na akong gusgusin. Sawang-sawa na ako sa pagsasabi sa kanya ng kanyang mga tungkulin bilang asawa. Ano kaya ang mabuti kong gawin? - Edmon
Dear Edmon,
Maaring nung dalaga pa ang misis mo ay nasanay siyang walang ginagawa sa bahay kaya hanggang sa magka-asawa ay nadala niya ang ugaling ito. Magtiyaga ka lang himukin siya na maging masipag. Gawin mo iyan sa paraang hindi kayo mag-aaway. Isama mo siya sa pagbisita sa mga kaibigan mong may masisipag na misis at baka makadama siya ng pagkapahiya sa sarili at magbago. Ipakilala mo rin siya sa mga kakilala mong misis at baka ang maganda nilang katangian ay maka-engganyo sa kanya na magpakauliran din. Paminsan-minsan ay ipasyal mo siya para mawala ang kanyang pagkabagot sa bahay. Maaring may mga needs ang iyong misis na hindi mo lang napapansin. Walang problemang hindi nasosolusyunan sa maayos na pag-uusap.