‘The Rainbow’ (1)
ISANG maligayang pamilya ang mag-asawang Mildred at William at ang nag-iisa nilang daughter na si Tamara, 7. Nasa 30s pa lamang ang edad ng mag-asawa, punumpuno pa ng mga pangarap.
Kasama sa lifestyle ng pamilya ang pamamasyal tuwing weekends. Pumupunta sila sa scenic spots dala ang family van. Sa mahabang biyahe, si Mildred ang gustung-gustong nagda-drive.
“Mildred, you’re going too fast, baka tayo mabangga,” paalala ni William, hindi kumportable kapag ang misis ang nagmamaneho.
“Mommy, drive safely po,” paalala rin ng batang si Tamara.
Tinawanan lang sila ng magandang ina. “Tahimik lang kayong mag-ama, okay? Kontrolado ko ang manibela.”
Tumigil sila sa roadside na nakatunghay sa dagat sa ibaba. Nagpahangin. May nakatawag ng pansin ni Mildred.
“Hayun!” Itinuro niya sa kanyang mag-ama ang nasa magkabilang bahagi ng mountain ranges.
Bahaghari. Rainbow.
“May manipis na ulan sa gawing iyon, kaya nagkaroon ng rainbow,” paliwanag ni Mildred.
Si William ay abala sa pagkuha ng pictures ng mag-ina.
Nagtanong si Tamara. “Ano po ba ang nasa rainbow?”
Sumagot si William. “Nasa rainbow ang mga nais maligo sa ulan! Laluna’yung may mga bungang-araw!”
Natawa ang batang babae, alam na nagbibiro ang daddy. Napapangiti lang si Mildred sa cute niyang mag-ama.
“Mommy, ano nga po ang meron sa rainbow?”
Hiram ang sagot ng mapagmahal na ina. “Gaya ng sinasabi ng isang kanta—‘at the end of a rainbow, you’ll find a pot of gold’. Malaking kayamanan ‘yon kung totoo.”
“Nakarating na po ba kayo sa dulo ng rainbow, Mommy.”
Umiling agad ang ina. “Wala pa sigurong tao na nakarating na sa dulo ng bahaghari. Laluna’t kung kasama ang makulit na mag-ama.”
Nahulaan ni Tamara. “Kami ‘yon ni Daddy!”
“Kayo nga! Super-daldal kayo!” Sinundan iyon ng tawanan.
Nang matapos ang maghapong pamamasyal saka lamang nakadama ng pagod si Tamara. Pinatulog muna ito ni Mildred sa kanyang kandungan.
Hindi alam ng mag-anak, dadalaw si Kamatayan. (Itutuloy)
- Latest