Holiday season na naman. Maraming pagkain, pagpupuyat sa mga parties at iba pang mga okasyon tuwing buwan ng Disyembre. Maraming dahilan bakit kailangan mong alagaan ang iyong kalusugan, lalo na ang iyong puso. Siyempre, isa na dito ay dahil nais mong humaba pa ang iyong buhay at maging masaya. Kaya naman dapat mong alagaan ang iyong puso. Narito ang ilang paraan para magkaroon ng “Healthy heart”.
Iwasan ang paninigarilyo – Kung ikaw ay naninigarilyo, doble ang posibilidad na magkaroon ng atake sa puso, kumpara sa mga taong hindi naninigarilyo. Kaya kung ititigil mo ang paninigarilyo, tiyak na bababa ang panganib na magkaroon ng atake sa puso.
Bawasan ang pagkain ng maaalat – Ang pagkain ng maaalat ay nagdudulot ng high blood pressure sa iyong katawan at naglalagay sa’yo sa panganib na magkaroon ng sakit sa puso. Panatilihin ang 1,600 mg ng salt o asin kada araw. Palagi din tingnan ang dami ng asin sa iyong mga binibiling pagkain gaya ng junk foods at iba pa.
Balance diet –Wala ng iba pang pinakamagandang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso kundi ang pagkain ng masustansya at balanseng pagkain. Dapat kumain ng gulay, prutas, isda at mga pagkaing butil dahil mahusay ang mga ito sa pagpapalusog ng puso.
Mag-ehersisyo – Kasabay ng tamang diet ay mag-ehersisyo. Ito ay para mapanatiling “fit” ang iyong puso dahil bilang muscle ay kinakailangan nito ng 30-minutong ehersisyo. Hindi lang din puso ang magbebenepisyo sa iyong pag-eehersisyo kundi maging ang iyong isipan dahil ito ay magiging alerto.
Iwasan ang alcohol – Ang pag-inom ng alak ng sobra-sobra ang tiyak na sisira ng iyong puso at pagtaas ng blood pressure habang papabilis ang pagtaba o pagdadagdag ng timbang. Kaya dapat kang umiwas sa pag-inom ng alak.
Malaking tiyan – Dapat mong i-monitor ang iyong tiyan, dahil indikasyon ng paglaki ng tiyan ay ang pagkakaroon ng hypertension, bad cholesterol at panganib ng atake sa puso.
Stress – Mabilis magkaroon ng sakit sa puso ang mga taong palaging stress. Kaya sa oras na nakakaramdam ng stress, bakit hindi mag-relax? At pag-aralan ang mga teknik kung paano pakakalmahin ang emosyon at isip.
Palaging i-monitor ang iyong blood pressure at cholesterol level - Ang mga taong high blood ay mas mapanganib sa heart attack. Kaya dapat palaging i-monitor ang iyong blood pressure. Mas makakaiwas na magkaroon ng sakit sa puso kung magkakaroon ng maayos na life style at diet.