Nabigla si Gabriela sa walang babalang paghalik sa pisngi niya ni Sandra. Ang dalagang may crush sa kanya ay naghahatid ng tukso. Kung di siya tapat kay Carmina, pinatos na siguro niya si Sandra.
“Good night, Gabby,” malambing pang sabi ni Sandra, hinagod sa pisngi ang binatang propesor bago tuluyang sumakay sa sariling kotse.
Si Gabriel ay napapabuntunghiningang nagtuloy na rin sa kanyang kotse sa parking lot.
Ang hindi alam ng dalawa, may multong nakamasid sa kanila. Kayhirap hulaan kung ito’y magandang dalaga o guwapong binata. Hindi detalyado ang image; ghost na ghost ang dating.
Hindi rin mahuhulaan kung ito ba’y nagdaramdam o nananaghili sa eksenang nasaksihan.
Ang klaro, ang multo ay apektado ng paglalapit nina Gabriel at Sandra. Hindi klaro kung ito rin ang ghost na nangalabit kay Sandra sa coffee shop a few minutes ago.
Magkasunod ang kotse nina Gabriel at Sandra sa paglabas sa parking ng mall. Kasunod nila ang multong nakalutang sa hangin.
Naghiwalay ang dalawang kotse sa magkasangang daan ng highway. Isa lang ang sinundan ng multo or ghost—ang sasakyan ni Sandra.
Nakita ng multo, pumasok ang kotse ni Sandra sa bakuran ng lumang simbahan sa gulod. Tumigil din doon ang multo.
Nagdasal nang taimtim ang dalagang may crush kay Gabriel. “Lord, hindi na po crush itong nararamdaman ko kay Gabriel—love na po, pag-ibig na. Sana po, magkaroon ako ng puwang sa kanyang puso…”
Ang multong katabi na ni Sandra ay napaigtad, naapekto ng dalangin.
Mabilis nang iniwan nito si Sandra.
SA INTERNET nag-research si Gabriel—tungkol lahat sa mga multong nagpaparamdam.
Naghahanap siya ng katulad ng kaso ni Carmina—na bigla na lang hindi sumipot sa takdang usapan.
May mga multo bang taksil? Si Carmina ba ay naakit na sa ibang manliligaw sa Langit?
Wala namang linaw siyang nakuha sa pananaliksik na iyon.
Ang klaro ay susubukan niya ang suggestion ni Sandra. Nagpunta na siya sa ispiritista.
“Tao po!” Nakarating si Gabriel sa Quezon Province. (ITUTULOY)