‘HAHANAPIN KITA (4)’

NAPALUNOK si Gabriel sa sinabi ng  babaing duda niya’y hitana, isang gypsy. Makikita raw niya tuwing ika-sampu ng buwan ang isang tao.

 “Sino a-ang makikita ko?” tanong ni Gabriel.

“Siya. Ang babaing labis mong pinangungulilahan,” sagot nito.

“Sinong…siya?”  Mapapaigtad siya kapag sinabi nitong si Carmina.

“Ang namatay mong nobya—si Carmina.”

 Napaigtad si Gabriel, kinilabutan.

“Ganitong oras, sa sakto ring lugar.”

“S-sino ka?  Bakit kilala mo si Carmina?”

Parang walang narinig ang mahiwagang babae. Lumayo na ito.

“Hey!”  Nais itong habulin, tanungin pa ni Gabriel.

Pero nawala na ito sa karamihan ng tao sa bayside park na iyon.

Napailing si Gabriel. Naunawaang siya ay pinaglaruan lamang ng kung sinong manloloko. Duda niya’y nasaksihan nito ang pagkakabaril kay Carmina; nakikita ring pabalik-balik siya sa crime scene, lungkot na lungkot.

“Tiyak na natandaan niyang a-diyes ng buwan nang napatay si Carmina…kaya gumawa na ng ‘kuwento’. A, marami talagang manloloko.” Sa isip lang ito sinabi ni Gabriel, sa sarili lamang.

Napapabuntunghiningang umalis na sa park si Gabriel. “Magaling umarte ng babaing ‘yon. Nagbihis pang hitana. High na high siguro na nakaloko siya ng kapwa…”

NAIKUWENTO niya sa kaibigan ang pangyayari. “Baka naman galing sa costume party ‘yung sinasabi mong mukhang hitana, Gabby. At dahil super-lungkot ang anyo mo, hayun, naisip kang lokohin.”

“Basta ang alam ko’y magaling siyang manloko ng kapwa, Dave. Huwag lang siyang magpapakita, makakatikim talaga siya ng sermon ko.”

“Gabby, don’t take life so seriously. Laruin mo lang ang buhay.”

“Dave,  nawala sa akin ang pinakamamahal ko. Si Carmina ang lahat-lahat sa buhay ko.”

“Okay, fine. Pero maglagay ka ng time frame. Halimbawa’y a few months kang magluksa. Then, move on ka na. Ituloy mo na ang normal na buhay.”  Gaya ni Gabriel, professor din sa college si Dave.

“Ipapayo mo din bang umibig na ako sa iba, after na maipagluksa ko si Carmina?”

“Natural! Alangan namang magpapakatanda ka nang binata hanggang sa old age mo!”

 (ITUTULOY) 

 

Show comments