Para magkaroon ng ‘spark’

Sa isang magkarelasyon hindi maiiwasan na dumating ang panahon na nawawala ang “spark” ng pagtitinginan sa bawat isa. Maaaring ang iyong partner ngayon ay may nagagawang pagkukulang o may hindi naibibigay na pangangailangan mo sa ilang aspeto ng iyong buhay. Ngunit hindi rin naman ito katuwiran para magpasya kung iwan ang pakikipagrelasyon sa kanya. Kaya kung desidido ka naman na hindi mapalayo sa iyong partner, dapat kang gumawa ng hakbang upang maiwasan ang ibang babae/ lalaki na nais pumasok sa iyong buhay. Narito ang ilang paraan.

Laging isipin ang magandang aspeto ng iyong partner – Subukan mong ilista ang mga positibong bagay na  taglay ng iyong partner. Sa pamamagitan nito ay maalala mo ang mga “qualities” niya na iyong nagustuhan. Pangarapin  ang mga “moments” na inyong pinagsamahan para maramdaman muli  ang kilig na dating nasa iyong katawan. Dahil dito, maaalala mo rin bakit mo siya minahal at nagustuhan.

Mag-date – Palaging lumabas at mag-“bonding”.  Dahil dito, maaalala mo bakit siya ang pinili mo at hindi ang iba mong manliligaw. Mamasyal sa mga lugar na naging “meaningful” sa’yo

Mag-usap – Isnabin mo na lahat, huwag lang ang iyong partner. Huwag kalimutan na siya ay kausapin. Palaging sabihin sa kanya ang iyong nararamdaman. Kung dumating ka sa panahon na may nagugustuhan kang iba, sabihin din ito sa kanya. Dahil dito, makikita mo kung paano ka niya ipaglalaban sa ibang tao na nais kumuha sa’yo sa kanya. Dito mo rin masusukat kung mahal ka ng iyong partner. Hangga’t ipinaglalaban ka niya para  hindi madagit ng iba, ibig sabihin nito ay mahal na mahal ka pa rin niya.

Huwag makikipag-date sa iba – Kung may mag-iimbita sa’yo ng “date”, huwag itong tanggapin. Ngunit gawin ang pagtanggi ng may paggalang at respeto sa taong nag-iimbita sa’yo, lalo na kung ito ay iyong kaibigan. Ipaliwanag sa kanyang mabuti ang iyong mga dahilan, o kung hindi mo naman ito masasabi, ipakita na lang ito sa iyong kilos sa pamamagitan ng paglalagay ng distansiya mula sa taong ito.

Hindi madaling maibalik ang dating “spark” ng pagtitinginan ng dalawang tao. Ngunit kung parehas na magbibigay ng “effort” , tiyak na muling gaganda ang inyong relasyon

Show comments