DEAD on arrival sa ospital si Carmina. Kaylakas ng palahaw ni Gabriel sa wala sa oras na kamatayan ng nobya. “Nooo! Hindi mo ako puwedeng iwan! Carminaaa!”
Tinakpan na ng puting kumot ang bangkay ng dalaga.
Si Gabriel ay hindi matanggap ang pangyayari. Hindi maubos ang luha. “Ikakasal tayo bago mag-Pasko. Paano na ngayon, Carmina?”
Dumating ang mga kaanak ng dalaga. Nakapunta rin agad ang best friend ni Gabriel.
“Dave, wala na si Carmina. Hindi ko kaya ito.”
“Gabriel, pare… magpakatatag ka. Hindi gugustuhin ni Carmina na ikaw ay mawawasak sa kanyang pagkawala…”
Lalong dumilim ang mukha ni Gabriel. “Buhay na buhay siya an hour ago, Dave. Nagtatawanan pa kami while eating popcorn…napakasamang panaginip nito.”
“Bro, nauunawaan kita. Pero believe me, matatagpuan mo rin ang sarili mo. Life must go on.”
ISANG linggo nang naililibing si Carmina. Laging nagpupunta si Gabriel sa huling lugar na pinuntahan nila ng nobya, bago ito napatay ng ligaw na bala.
Sa tabing dagat sa boulevard. Nakatanaw siya sa dagat. Gabi na naman. “Saan ka na naroon, Carmina?”
Ang alam ni Gabriel, magiging napakalungkot ng darating na Pasko. “Bakit sa iyo pa nangyari ito, Carmi? Kaydami-daming namamasyal dito sa tabing dagat, bakit ikaw pa ang nabaril?”
Biglang humihip ang hanging panggabi. Kakaiba ang lamig na nadapa ni Gabriel.
Naamoy niya ang paboritong perfume ng nobya. Napalunok siya.
“Narito ka lang ba sa tabi ko, Carmi? Miss mo rin ba ako?”
Pakiramdam niya’y may yumakap sa kanya, malamig na katauhan ng babae. “Carmina? Ikaw ba ‘yan, love?”
Ilang saglit lang iyon. Nawala ang amoy ng pabango. Naglaho na rin ang yakap na malamig.
Napatingala sa langit si Gabriel. “Kapag namatay ako, hahanapin agad kita diyan, pangako.”
“Iho…Makikita mo siya tuwing ika-sampu ng buwan,” sabi kay Gabriel ng babaing mukhang hitana. Napaigtad ang binata. (ITUTULOY)