Maraming nag-aasawa ng maaga, lalo na sa mga kabataan ngayon. Bakit nga ba? Ang pakikipagrelasyon ay nagsisimula sa “date”. Sa date minsan nag-uumpisa ang lahat. Paano mo nga ba mapangangalagaan ang sarili mo at paano ka tatanggi kung ikaw ay aayaing makipag-sex ng iyong date.
Magbigay ng “clue” – Bakit hindi ka magpahiwatig sa iyong ka-date na hindi ka pa handa na gawin ang isang bagay na hindi pa dapat. Maaari kang magkuwento sa kanya ng mga taong hinahangaan mo dahil nirerespeto nila ang gusto ng bawat isa. Humahanga ka din sa mga taong humaharap sa altar ng wala pang nangyayari sa kanila.
Sabihin sa kanya ang iyong mga paniniwala – Kung sasabihin mo sa iyong partner na malaki ang paniniwala mo sa “abstinence”, maaaring maintindihan ka niya kung bakit hindi ka sumasama sa kanya sa mga pribadong lugar. Anuman ang sabihin mo sa kanya tungkol sa iyong paniniwala, maging seryoso ka dito para malaman niyang buo ang iyong loob na ipatupad ito sa inyong relasyon.
Pag-usapan ang mahahalagang bagay – Maaari ninyong pag-usapan sa inyong date ang mga bagay na mahalaga para sa inyong dalawa. Hintayin mo ang iyong pagkakataon para masabi mo sa kanya kung ano ang iyong desisyon kung halimbawang kinukulit ka na niyang agad gawin ang bagay na hindi naman dapat pa. Sa pamamagitan nito, mas lalo ka niyang hahangaan at mamahalin.
Maging totoo – Ang pagiging “virgin” sa panahong ito ay itinuturing ng “old fashioned” ng mga tao. Maaaring pagtawanan ka pa. Ngunit sa totoo lang ang paniniwalang ito ay mahalaga at dapat na mas piliin pa rin. Puwede ka naman lumayo sa pakikipag-sex lalo na kung talagang hindi mo pa ito maaaring gawin.