Dear Vanezza,
Itago mo na lang akong Amira, 21 years old at college student. Ampon lang ako at ‘yan ay hindi ipinagkaila sa akin ng aking mga magulang. Nagpapasalamat po ako sa pagmamahal at pag-aaruga nila sa akin. Mahal na mahal ko rin sila na para kong tunay na ama at ina. Mayroon po silang tunay na anak. Inampon nila ako nang hindi pa siya isinisilang. Matanda ako sa kanya ng 3 years. Pareho kaming nasa college. Ang problema po ay nagmamahalan kami. Alam ko pong magagalit ang aming magulang kapag nalaman nila ito. Natatakot din ako na mabisto kami kaya sabi ko sa kapatid ko na ihinto na namin ang aming relasyon. Umiyak siya at ang sabi’y mahal daw niya ako. Kaya naguguluhan ako ngayon. Dapat ba kaming magtapat sa aming mga magulang?
Dear Amira,
Sa ilalim ng batas ay wala naman kayong nilalabag kung kayo ay magkakaroon ng relasyon. Mas lalo naman na hindi masasabing imoral ang inyong relasyon dahil hindi naman kayo tunay na magkadugo. Ang problema ninyo ay ang mga kinikilala ninyong mga magulang. Bakit hindi na lang kayo magsabi ng totoo sa kanila at aminin ang anumang relasyong mayroon kayo. Tiyak na maiintindihan naman nila ang inyong nararamdaman. Kaya lang dahil sa mga bata pa naman kayo at hindi pa tapos ng inyong pag-aaral, tiyak din na hindi muna kayo papayagang magkaroon ng seryosong relasyon. Kaya dapat na ituon niyo muna ang inyong atensiyon sa pag-aaral at piliting matapos anumang karera ang inyong tatakbuhin.