Istriktong tatay

Dear Vanezza

Itago mo na lang ako sa alyas Lexi, 27. Ang problema ko ay ang tatay ko. Kung ituring kasi ako ay parang bata pa rin. Mula nang makatapos ako ng pag-aaral hindi nila ako binigyan ng kalayaan. Walang puwedeng manligaw sa akin. Sa opisinang pinapasukan ko ay lagi akong pinapasundo sa kuya ko na may asawa na. May bf ako na ka-officemate ko pero lihim lang. Kung mag-date kami ay sa canteen lang ng office namin dahil takot ako sa tatay ko. Matapang ang tatay ko at istrikto na wala sa lugar. Wala namang magawa ang nanay ko. Naiinis na rin ang bf ko at tuloy inaaya na akong magtanan na lang kami. Tulungan mo ako.

Dear Lexi,

Ang tungkulin ng mga magulang ay magbigay ng payo at gabay sa ikabubuti ng anak, pero hindi tama na paikutin o kontrolin nila ang buhay ng mga ito. Mali ang inaasal ng iyong ama. Sa ginagawa niyang paghihigpit sa iyo, malamang tumanda kang dalaga kung susunod ka lang sa bawat gusto niya. Bilang paggalang sa kanya, subukan mo siyang kausapin nang mahinahon. Sabihin mong gusto mo nang lumagay sa tahimik at magkaroon ng sariling pamilya. Kung tatanggi pa siya, puwede kang magdesisyon sa sarili mo. Kung niyayaya kang magtanan ng bf mo at mahal mo siya, walang masama dahil nasa edad ka na at dapat mo nang harapin ang sarili mong buhay at ikaliligaya. Pero tiyakin mo na pakakasalan ka ng bf mo dahil baka dumoble ang iyong problema.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments