May mga taong nagtataka bakit sila mahiluhin sa biyahe lalo na kung sasakay ng eroplano. Ang hindi nila alam ay may nakakain sila na nagdudulot ng kanilang pagkahilo. Narito ang ilang uri ng pagkain na dapat mong iwasan bago ka bumiyahe:
Malalangis na pagkain – Ang mga pagkaing malalangis ay mahirap matunaw sa tiyan. Kaya kung kakain ka ng mga ganitong uri ng pagkain 1-2 oras bago bumiyahe sa eroplano na may taas na 37,000 feet ang taas o sa anumang uri ng sasakyan ay posible kang magsuka dahil sa hilo mong nararamdaman. Maaari itong magresulta ng pagtaas ng iyong dugo at panlalamig ng iyong buong katawan. Iwasang kumain ng mani, junk foods at iba pa.
Pagkaing lumalaki sa loob ng tiyan – Iwasan mong kumain ng mga pagkain na tumataba o lumalaki sa iyong tiyan gaya ng noodles at ilang gulay gaya ng cauliflower, repolyo, baked beans at sibuyas. Ang “pressurized cabin” ng eroplano ay maaari din maging sanhi para lumobo ang mga pagkaing ito sa iyong tiyan.
Alcohol – May mga biyaherong mahilig uminom ng alak bago bumiyahe. Akala nila, nakakatulong ito na makatulog sila habang sila ay nasa biyahe. Pero ang totoo, hindi ito nakakatulong dahil nababawasan ang lebel ng tubig sa iyong katawan at napapalitan ito ng alcohol na magiging sanhi ng iyong pagkahilo. (Itutuloy)