PARANG marathon runner kung tumakbo si Dolores, kaybilis-bilis, sa tabing dagat. Tanaw ni Paolo na nilamon na ng dilim ang wirdong babae.
“Naitanong ko ba kung dalaga pa siya? Hindi ko matandaan…” Napapailing si Paolo. Hindi pa rin alam kung bakit ayaw padalaw ni Dolores; hindi rin alam kung bakit nagmumulto ang mga kabaong sa Lawa ng Camachile.
Dalawa ang nais gawin ni Paolo sa lalong madaling panahon. Ang isa’y dikta ng puso—attracted siya kay Dolores. Ang pangalawa ay ang pagtuklas sa katotohanan—sa hiwaga sa lawa.
Nang oras ding iyon, sinuri niya ang pinangyarihan ng paglitaw ng mga kabaong. Nawala na ang takot niya. Kinuha niya sa sasakyan ang malaking flashlight.
Natiyak ng binata na hindi man lang nabulabog ang mga bahayang nakapaligid sa lake. Himbing na ang mga tao, hatinggabi na.
Kung gayo’y sinadya ba ng mga nagmultong kabaong at mga babaing bangkay na siya lang ang pakitaan? Sila lang ni Dolores?
Ewan niya kung pati kay Dolores. Tingin niya sa magandang babaing ‘yon, alam nang lilitaw ang mga multo.
Ah…bakit ba sa wirdong babaing ‘yon pa siya tinamaan? Matindi ang pagnanais niyang mapaibig si Dolores.
Sakay ng kotse, umalis siya sa may lawa nang walang tiyak na plano; “Siguro’y magtatanung-tanong ako sa matatanda…baka may mga kuwentong nalimot na ng panahon…”
INIREPORT ni Paolo sa munisipyo ang nasaksihang kababalaghan. Ang hepeng bata ng mayor ang nakausap niya.
“Pati ba naman ikaw, Paolo, nakikisakay sa balibalitang iyon?”
“Hepe, ako at isang babaing tagaroon. Dolores ang pangalan.”
“Matandang ulyanin ba, malabo ang mata o biyuda?”
“Ano’ng problema kung biyuda, hepe?”
Ngumisi ang hepe, malisyoso. “Paolo Bulaong, ang biyuda ay tigang, pogi ka, posibleng nagsabwatan kayo matapos magromansa sa tabing-dagat. Gusto n’yo talagang manligalig ng bayan.”
Gustong manuntok ni Paolo pero nagtimpi. Kakandidato siya laban sa nakaupong mayor, ayaw niyang makasuhan.
“Aalis na ako, hepe, bago kita masuntok.”
“At paano ang kontra-suntok ko, Paolo Bulaong?”
(ITUTULOY)