Marlo, may bagong awitin para sa tag-init
MANILA, Philippines — Hinarap ng Kapamilya singer na si Marlo Mortel ang panlalamig ng pag-ibig sa kanyang bagong awitin na Tag-init.
Tungkol ito sa panlilinlang sa taong karelasyon upang pagbigyan ang init na nararamdaman.
“Para ito sa mga manloloko, sa mga in a relationship pero pinipili pa rin lumandi sa iba,” saad ng Star Music artist sa X post.
Isinulat at iprinodyus mismo ni Marlo ang Tag-init na nagsisilbing ikalawang single niya ngayong taon matapos ang Valentine’s offering na Manhid.
Unang nakilala si Marlo sa pagbida niya sa series na Be Careful With My Heart at Oh My G! Pinasok niya ang music scene nang bigyang-buhay niya ang 2015 OPM Fresh entry na M.O.O. (My Only One).
Kinilala siya bilang Male Pop Artist of the Year sa 11th PMPC Star Awards for Music para sa kanyang debut album na Serye. Tampok naman ang latest single niya na Tag-init sa Spotify New Music Friday Philippines playlist.
Damhin ang init ng bagong awitin ni Marlo na Tag-init na napapakinggan sa iba’t ibang streaming platforms.
- Latest