MANILA, Philippines — Kinontra ni National Artist for films Ricky Lee na hindi masasabing tagumpay ang 50th edition ng Metro Manila Film Festival.
Hindi umabot sa P1 billion ang kita noong 2024 kumpara noong 2023 na naka-P1.2 billion.
Ito ay kahit na nga pinupuri ng mga kritiko ang majority sa 10 official entries.
Maraming opinion at haka-haka ang iba sa nangyari.
Pero positibo ang pananaw ng national artist na may dalawang sinulat sa 10 entries – Green Bones at Isang Himala.
Ang Green Bones ay pang-2nd sa ranking ng box office hits pero nasa huling numero ang Isang Himala.
“Sa akin, tagumpay siya in the sense na umakyat man, bumaba man ang kita, ang importante patuloy na ginagawa.
“Hindi naman puwedeng gawin natin lagi every time… Every time tayo magtatagumpay na paakyat nang paakyat nang paakyat.
“I think it’s very admirable na even hindi kasinlaki ang kinita this year compared to last year, they will still continue doing it, which is important. Iyong tapang.
“Second ang alam ko, umabot sa target… Even if hindi umabot sa nangyari last year, medyo iba ‘yung last year, e. Galing ka ng pandemya, nasabik ang mga tao.
“And then may Dingdong-Marian ka, and so on and so forth. So maraming factors, e.
“I think ang importante, patuloy tayong lahat na magtulungan na gumawa ng marami pang mga pelikula.
“At patuloy tayong magtulungan na magkaroon ng mga film festival,” pahayag niya sa kausap na mga entertainment writer sa press launching ng Puregold CinePanalo Film Festival na masasabing mas malaki sa ikalawang taon dahil sa mas star-studded ito.
Samantala, marami ngang mga sikat na artista ngayong taon sa Puregold Cinepanalo.
Katunayan, sa katatapos na launch na ginanap sa Artson Events Place, Quezon City, namataan ang mga tulad nina KD Estrada, Alexa Ilacad, Kira Balinger, Jameson Blake, JC Santos, Romnick Sarmenta, Ruby Ruiz, Allen Dizon, at marami pang iba.
Bukod sa suporta ng National Artist, pinangunahan ng festival director na si Chris Cahilig at mga representative ng Puregold CinePanalo partners na MTRCB, Gateway Cineplex 18, Mowelfund, Terminal Six, CMB Films at MFP Rentals ang press launching nito.
Bale walo ang entries sa full-length film category. Ito ay ang Sepak Takraw ni Mes de Guzman, starring Enzo Osorio, Nicollo Castillo, Ruby Ruiz and Acey Aguilar; Olsen’s Day ni JP Habac na pinagbibidahan nina Khalil Ramos, Romnick Sarmenta at child actor Xander Nuda; Tigkiliwi ni Tara Illenberger starring Ruby Ruiz (in her second Puregold CinePanalo feature), Gabby Padilla and Julian Paul Larroder; Journeyman nina JC Santos at Jasmine Curtis-Smith sa direksyon nina Christian Paolo at Dominic Lat; Salum nina Allen Dizon at Christine May Dimaisip na dinirek ni TM Malones; Jill Singson Urdaneta’s Co-Love, featuring KD Estrada, Alexa Ilacad, Jameson Blake and Kira Balinger; ang docu ni Baby Ruth Villarama na Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea; at Fleeting nina Janella Salvador at RK Bagatsing na directorial debut ni Catsi Catalan.
Ang bawat isa sa mga nabanggit na pelikula ay tumanggap ng P3,000,000 film grant each habang ang 24 student filmmakers naman na masuwerteng nakapasok ngayong taon ay tumanggap ng tig-P150,000.
Sabi nga ni Ivy Hayagan-Piedad, senior marketing manager ng Puregold, “After an intensely competitive application period, these directors came out on top of the heap. We know they will produce excellent, gripping work and we can’t wait to share these with the viewing public at the upcoming festival.”