Maris, bwisit pa rin kay Anthony!

Maris Racal

Ang tsika, imbiyerna pa rin daw si Maris Racal kay Anthony Jennings matapos nga ang kontrobersyal na ‘cheating issue’ nila last December.

Ayon kay Ogie Diaz sa vlog nitong Showbiz Updates, nakarating daw sa kanya na tila galit pa rin si Maris sa ka-loveteam. “Nabalitaan ko lang naman ‘to na parang buwisit pa rin daw si Maris kay Anthony Jennings. Baka habang binabalita natin ‘yan eh okay na sila,” ani Ogie.

“Kasi parang naiirita raw si Maris noong Incognito fancon do’n sa Taguig,” dagdag pa niya.

Hirit naman ng co-host niyang si Mama Loi, parang ok na okay naman daw ang MaThon sa stage that time.

Sagot naman ni Ogie “Hindi naman sila pwedeng magpakita na gaganu’n ganu’n (imbiyerna) si Maris, siyempre.”

Pero dagdag niya, naiintindihan naman daw niya kung totoo ngang inis pa rin si Maris sa Incognito co-star.

Pero naniniwala rin naman siya na magkakapatawaran din daw ang dalawa lalo pa nga’t nagsisisi’t very apologetic naman si Anthony.

Fyang ‘di kilala si Pops, Martin naloka!

Naba-bash ngayon ang Pinoy Big Bro­ther: Gen 11 Big Winner na si Fyang Smith matapos mag-viral ang video ng pag-uusap nila nina Martin Nievera at Ogie Alcasid sa isang episode ng ASAP.

Tinanong kasi nina Ogie at Martin si Fyang kung kilala raw ba nito si Pops Fernandez at obvious sa sagot ng dalaga na hindi nito kilala ang Concert Queen.

“Oh my God! That’s so famous here in the Philippines,” sagot ni Fyang.

Sa huli ay tila imbiyerna ngang sabi ni Martin, “where did you find this girl?”

Sey ng netizens, sila ang nahiya sa sagot ni Fyang lalo pa nga’t nandu’n si Martin.

Pero may mga nagtanggol din naman kay Fyang dahil 18 pa lang daw kasi ito kaya hindi na naabutan si Pops lalo pa nga’t inactive na ito sa TV.

Manoy, tsugi na ang show

Dahil naging busy na si AGRI Party-list Representative Manoy Wilbert Lee sa kanyang katungkulan ay natigil na ang kanyang public service program Si Manoy Ang Ninong Ko sa GMA Kapuso Network.

Umere ang nasabing show mula Marso hanggang Hulyo 2024, kung saan nakasama niya sina Gelli de Belen, Patricia Tumulak at Sherilyn Reyes-Tan.

Ayon kay Manoy nang makatsikahan namin ka­makailan, nami-miss niya rin ang kanyang show pero dahil tumatakbo rin siyang Senador ngayong 2025 elections ay hindi rin niya ito pwedeng ituluy-tuloy.

Naging abala kasi ang Bicolanong mambabatas sa pakikipaglaban para madagdagan ang mga benepisyo ng PhilHealth mula nang ibulgar niya ang bilyun-bilyong pondo ng ahensya noong Setyembre 2023.

Kung matatandaan, napabalita at naging usap-usapan ang pang-aagaw ni Manoy Lee ng microphone sa Kamara habang nasa deliberasyon ng budget ng Department of Health (DOH) noong Setyembre 25, 2024.

Show comments