Gerald, sa DOJ dadalhin ang reklamong rape!

Gerald Santos

MANILA, Philippines — Hindi pala natuloy ang pagsampa ng reklamong Rape ni Gerald Santos laban sa musical director na si Danny Tan.

Ang dinig namin ay sa Department of Justice nila ito ipa-file, kasama niya ang isa pang dating kasamahang singer ni Gerald na si Enzo Almario.

Pero gusto ng legal counsel na talagang kumpleto na ang lahat, kaya hindi sila natuloy sa pagdulog sa DOJ nung nakaraang linggo.

Pero in-assure na sa amin ng kampo ni Gerald na tuloy na raw ito sa linggong ito.

Ayaw lang daw magsalita ng singer/stage actor tungkol dito dahil pormal na nilang isasampa ang kaso.

Ang legal counsel nilang si Atty. Noel Malaya na ang sasagot sa mga katanungan kaugnay sa reklamong isasampa.

Si Atty. Malaya ay ibinigay ni Sen. Jinggoy Estrada para tulong kay Gerald.

Noon pa man ay nangako si Sen. Jinggoy na tutulungan niya ang naturang singer kung talagang pursigido na itong kakasuhan ang diumano’y nanghalay sa kanya 20 taon na ang nakararaan.

Suwerte!

Ang suwerte ni Jean Garcia, dahil hindi siya nawawala sa primetime ng GMA 7. Pagkatapos lang ng Widows’ War, may kasunod agad siya, ang Lolong: Bayani ng Bayan na magsisimula na ngayong gabi.

Nasa original cast naman kasi talaga si Jean, kaya pasok pa rin siya sa sequel.

Pero ang isa pang mukhang suwerte siya ay sa mga anak niya.

Napansin si Jennica Garcia na magaling sa seryeng Saving Grace na nag-stream sa Amazon Prime.

Sa nakaraang media conference naman ng Lolong na ginanap sa Gateway 2 ay napansin naman doon ang bunsong anak niyang si Kotaro Shimizu. Cu­tie ang bagets na hindi naman daw hilig ang mag-artista.

Show comments