Mga Kapuso, makiki-fiesta sa Sinulog!
MANILA, Philippines — Magsisimula na ang GMA Regional TV and Synergy sa pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng GMA Network sa mga rehiyon sa pamamagitan ng pagbisita ng ilan sa mga pinakamalalaking Kapuso stars, sa pangunguna nina Bea Alonzo, Ruru Madrid at Miguel Tanfelix, sa Sinulog Festival ngayong Jan. 17 hanggang 19.
Makakasama ni Bea ngayong araw (Jan. 17) ang kanyang co-actors mula sa Widows’ War – Jean Garcia, Royce Cabrera at Timmy Cruz. Ang cast ng high-rating na mystery murder drama series ay makikiselebreyt sa mga pagdiriwang ng Sinulog kasama ang mga Cebuano sa pamamagitan ng back-to-back events, kabilang ang isang Kapuso Mall Show sa ganap na 3 p.m. sa Parkmall Cebu at isang Kapuso Fiesta sa ganap na 5 p.m. sa The Terraces, Ayala Center Cebu. Nakatakdang ipalabas ng Widows’ War ang finale nito sa Biyernes.
Samantala, fresh mula sa isang matagumpay na pilot week, ang pinakabagong action-packed series na Mga Batang Riles ay maghahatid ng kasiyahan sa kanilang Cebuano fans sa isang puno ng saya na Sabado, bukas ng hapon (Jan. 18). Kasama ni Miguel ang kanyang co-stars na sina Kokoy de Santos, Bruce Roeland, Raheel Bhyria at Antonio Vinzon sa isang Kapuso Mall Show sa ganap na 5 p.m. sa Ayala Malls Central Bloc.
Magpapatuloy ang mga sorpresa para sa Kapuso Cebuanos sa Linggo (Jan. 19) na pangungunahan ni Ruru ang Kapuso Mall Show sa ganap na 3 p.m. sa SM City Cebu. Kasama niya ang kanyang co-star na si Shaira Diaz mula sa inaabangang action-adventure drama series na Lolong: Bayani ng Bayan. Pakikislapin pa ang selebrasyon ng mga masayang pagtatanghal nina Thea Tolentino at Tony Labrusca mula sa upcoming series na Binibining Marikit.
Ang Lolong: Bayani ng Bayan ay magkakaroon ng world premiere sa Jan. 20, habang ang Binibining Marikit na pinagbibidahan ni Herlene Budol ay malapit nang mapanood sa GMA Afternoon Prime.
Gagawing extra special ng GMA Regional TV and Synergy ang inaabangang Sinulog Festival sa Linggo sa pamamagitan ng kanilang special live coverage ng Sinulog Festival 2025: The GMA Regional TV Special Coverage na magsisimula ng 1 p.m.
- Latest