Nagsumbong sa akin ang ina ni Pauleen Luna na si Mrs. Chat Luna na talagang nasisira raw ang araw niya kapag naisip niya itong pagkadawit kay Vic Sotto sa pelikulang The R*pists of Pepsi Paloma ni direk Darryl Yap.
Nakausap ko kahapon ng umaga, at masamang-masama raw ang loob niya sa ginawa sa manugang niya, lalo na’t nadadamay ang anak niya at mga apo.
“Masama talaga ang loob namin ni Daddy kuya kasi nakilala namin nang husto si Vic. Unfair talaga sa kanya na nadadamay siya sa ganun ng Darryl Yap na ‘yan! Hindi po ganun si Vic, kuya,” himutok ni Mommy Chat.
Nababasa raw nila sa social media account at pinagsabihan na raw sila ni Pauleen na huwag nang pansinin at iwasan na lang daw nilang magpo-post o pumatol sa mga namba-bash.
Pero minsan daw ay hindi na raw nakapagpigil ang asawa niyang si Gene Luna at may sinasagot na raw ito.
Parang ang dami raw kasi nilang alam kesa sa mag-asawang Vic at Pauleen.
“Kawawa rin kasi si Pauleen, kung anu-ano ‘yung sinasabi nila. Pero ang isa talaga sa inaalala namin siyempre, kuya, ang mga apo namin. Kawawa naman sina Tali at Mochi na nadadamay sila. Wala silang kamuwang-muwang, kuya,” patuloy na pahayag ni Mommy Chat.
“Kami po, wala kaming ginagawa kundi magdasal talaga. Wala po kaming panlaban kundi dasal lang talaga.
“Madaming beses nang nag-milagro ang Diyos sa amin.
“Basta kampi kami kay Vic, all the way. Sa Diyos lang po kami takot.
“We’re proud of our son-in-law Vic Sotto,” sabi pa ni Mommy Chat.
Sinabi naman namin kay Mommy Chat, na marami naman ang nagtanggol kay Vic Sotto at nagsasabing hindi totoo ‘yun.
Talaga raw ginawang gimmick ito noon ng namayapang manager ni Pepsi na si Dr. Rey dela Cruz.
“Kilala ko po ‘yan si Rey, kuya. Wala ‘yan ginawa utang nang utang sa Mommy ko.
“Patay na rin kasi si Mommy. Patay na rin po kasi ang iba pang nakaalam. Kilala nila si Rey.
“Pero, kaya hindi na siya bago sa akin. Kilala ko si Rey at ‘yung kasama niya si Conching na friend niya. Pareho sila utang nang utang sa Mommy ko,” bulalas pa ni Mommy Chat.
Ang hirap lang daw talaga magsalita dahil patay na raw sila, pero naririnig daw niya noon na laging pinagsasabihan si Dr. Rey dela Cruz sa mga naiisip niyang gimmick. Saka mas kilala raw nila si Bossing Vic.
“Kilala namin si Vic, kuya. Nakita namin kung gaano siya kabait sa mga babae. Sa stage lang siya minsan na akala mo maloko, pero hindi po siya ganun,” dagdag niyang pahayag.
Bago raw nagpakasal sina Vic at Pauleen ay masinsinan silang nagkausap at lahat ay inilahad ni Vic kay Pauleen, walang in-edit.
Pati nga raw ‘yang issue kay Pepsi Paloma na ginamit lang daw talaga sila sa gimmick ni Dr. Rey dela Cruz.
“Kaya ang daming nagsasabi kay Vic na magsalita na, magpa-presscon na siya. Kaya naman niya ‘yun e. Pero ayaw niya. Hindi naman daw siya guilty diyan. Malinis daw ang konsensya niya sa binibintang sa kanya.
“Nakita ko sa anak ko kung gaano kabait si Vic. Kaya mahal na mahal niya talaga ang asawa niya. Sobrang mahal na mahal niya si Vic, kuya,” sabi pa ni Chat Luna.
Kaya minsan ay hindi na raw ipinaparating ni Pauleen kay Bossing Vic ang ibang nababasa sa social media dahil ayaw na niyang maapektuhan ang asawa.