Itinanggi ng The Voice US Season 26 winner Sofronio Vasquez na isa siyang Indonesian.
Nagulat na lang daw siya na may nagke-claim na hindi raw siya Filipino.
“Nagugulat nga po ako, kasi bigla akong naging Indonesian. But I’m super blessed and grateful. Kumbaga whether I’m from Indonesia, it is a representation of being an Asian. Nilaban nila ako, they fought for what they really think sa kanila,” sagot ng singer na tubong-Mindanao.
Naging emosyonal si Sofronio nang balikan niya ang panahon na nakikipagsapalaran siya sa pag-awit sa Maynila habang nakikipaglaban naman sa sakit sa kidney ang kanyang ama na pumanaw noong 2018.
“Noong time na lumalaban ako sa competition sa Manila, nandoon na siya sa end part ng pakikipaglaban niya sa kidney failure. He just told me na kung wala na siya, ‘Just know that I’ll be there. Kahit saan.’ And I felt that.”
Noong makaraang Miyerkules ay nag-courtesy call si Sofronio sa Malacañan Palace para ma-meet at mag-perform sa harapan nila President Ferdinand R. Marcos Jr. and First Lady Liza Marcos.
Keempee, inaming nilunok ang pride para sa ama
Ang kanyang pride ang naging dahilan ni Keempee de Leon kung bakit limang taon niyang hindi nakita ang kanyang amang si Joey de Leon.
Inamin ni Keempee na na-depress siya nung biglang tanggalin siya sa Eat Bulaga noong 2016 na walang binigay na rason. Hindi rin daw niya makausap ang kanyang ama dahil iniiwasan daw nitong pag-usapan iyon.
“Sobra akong na-depress. Ayokong lumabas ng bahay, ayokong kausapin kahit sino. Kahit na malapit lang ako sa bahay ng kapatid kong si Cheenee, hindi ako nagpapakita. Galit ako sa mga taong nagtanggal sa akin, galit ako sa mundo and it went on for 10 years,” kuwento ng aktor.
Noong maging Born Again Christian siya, nilunok na nito ang kanyang pride at siya na ang nag-reach out sa kanyang ama.
“Pinuntahan ko siya una sa studio ng Eat Bulaga. Medyo awkward pa kami dahil maraming tao. The next day, pinuntahan ko siya sa bahay niya sa Green Meadows. Doon kami nag-iyakan. Niyakap ko si daddy at nag-sorry ako.
“Naintindihan ni dad ‘yung naging damdamin ko. Pinaramdam niya sa akin na kahit ‘di kami nagkita o nag-usap ng limang taon, welcome pa rin ako sa buhay niya,” sey ni Keempee na balik-trabaho sa GMA afternoon teleserye na Prinsesa Ng City Jail.